CHR probe ng napatay na NDF consultant bukas sa AFP

CHR probe ng napatay na NDF consultant bukas sa AFP

December 9, 2022 @ 9:49 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Bukas para sa Armed Forces of the Philippines (AFP) ang isasagawang imbestigasyon ng Commission on Human Rights (CHR) kaugnay ng pagkamatay ni National Democratic Front (NDF) consultant Ericson Acosta at ng kasamahan nito sa Kabankalan City, Negros Occidental noong Nobyembre 30.

Tinanggap ito ni AFP spokesperson Col. Medel Aguilar nitong Huwebes, Disyembre 8, kung saan sinabi niya na bahagi ito ng tungkulin ng CHR.

“We welcome the initiative of CHR. CHR is our partner in many activities like seminars to inculcate among our soldiers our duties to protect human rights,” sinabi ni Aguilar sa mga mamamahayag.

Nitong Miyerkules, Disyembre 7, ay sinabi ng CHR na magsasagawa ng independent probe ang Region VI office nito at nakiusap sa AFP na makipagtulungan upang masiguro ang mabilis at patas na imbestigasyon.

“We cannot prevent them to do what they have to do but we definitely deny that there is human rights violation in that operation,” pahayag naman ni Maj. Gen. Benedict Arevalo, 3rd Infantry Division commander at acting Visayas Command chief.

Nagtitiwala naman si Aguilar sa mga sundalo nito at walang dahilan para magsinungaling ang mga ito.

Matatandaan na nauna nang iniulat ng Philippine Army na may dalawang hindi nakilalang katawan ang napatay sa itinuturong sagupaan sa pagitan ng militar at communist rebels sa nabanggit na probinsya.

Kinondena naman ito ng iba’t ibang grupo at sinabing “fake encounter” ang nangyaring pagpatay kay Acosta at kasamahan nito. RNT/JGC