CHR sa PH gov’t: Human rights lapses sa Pinas, tugunan sa komprehensibong batas, special court

CHR sa PH gov’t: Human rights lapses sa Pinas, tugunan sa komprehensibong batas, special court

December 12, 2022 @ 9:06 AM 2 months ago


MANILA, Philippines- Inihayag ng Commission on Human Rights (CHR) nitong Linggo na panahon na para ikonsidera ng pamahalaan ang pagpasa ng komprehensibong batas at pagtatatag ng special court upang tugunan ang lapses sa human rights situation sa bansa.

Sinabi ni CHR chairperson Richard Palpal-latoc na sapat ang mga batas na umiiral para parusahan ang mga krimen hinggil sa human rights, at hinikayat ang mga biktima na maghain ng kaso sa pamamagitan ng government agencies o ng CHR upang ipaglaban ang pananagutan ng mga may sala.

“Ganun pa man, nais ko lamang idagdag, siguro na napapanahon na para pag-isipan ang pagpasa ng komprehensibong batas patungkol sa paglabag ng mga karapatang pantao at pagtatalaga ng special human rights court na didinig at hahatol sa mga paglabag ng mga karapatang pantao,” ani Palpal-latoc.

Sinabi ng komisyoner na bagama’t sapat ang mga panukalang ipinasa ng pamahalaan ng Pilipinas sa pagprotekta ng karapatang pantao base sa international obligations, mayroon umanong lapses sa implementasyon, gaya ng binanggit sa ulat ng United Nations (UN) Special Rapporteur on the Sale and Sexual Exploitation of Children.

Sinabi ni Palpal-latoc na magsasagawa sila ng forum kasama ang stakeholders upang talakayin ang mga panukala sa comprehensive measure at sa special court upang patuloy na mabantayan ang human rights situation sa bansa.

“Patuloy po kaming nakikipag-ugnayan sa mga civil society, non-government organizations, people’s organizations, at iba pang mga stakeholder, gayundin sa mga kaukulang ahensya ng pamahalaan, upang aming matukoy ang estado ng karapatang pantao sa ating bayan at nang sa gayon makapagsagawa ng mga nararapat na programa upang tugunan ang mga suliranin,” pahayag niya.

Sinabi ng CHR chief sa kanyang pagkakatalaga na ang Philippine human rights situation ay “fine” at “fair,” sa gitna ng hindi pagkakaunawaan sa pagitan ni Justice Secretary Jesus Crispin “Boying” Remulla at ng International Criminal Court sa pagpilit ng huli na imbestigahan ang  drug war sa bansa.

Sa Universal Periodic Review kamakailan, nanindigan ang UN sa paghikayat sa bagong administrasyon na tugunan ang umano’y extrajudicial killings (EJKs) at iba pang human rights issues na naganap sa ilalim ng Duterte administration. 

Inatasan ang Pilipinas na sumunod sa mga rekomendasyon, at bagama’t tiniyak ni Remulla ang aksyon, sinabi rin niya na ang kultura ng impunity sa bansa ay isang “mistaken notion.” RNT/SA