Christmas 2022 sa banta ng COVID, ‘mas mabuti kaysa dati’ – Vergeire

Christmas 2022 sa banta ng COVID, ‘mas mabuti kaysa dati’ – Vergeire

December 7, 2022 @ 1:39 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Sinabi ni Department of Health (DOH) officer-in-charge Maria Rosario Vergeire nitong Miyerkules, Disyembre 7 na inaasahan ang mas maayos na pagdiriwang ng Pasko ngayong taon.

Ito ay dahil umano sa mas mataas na vaccination rate sa mga Filipino at mas nakahanda na ang mga ospital sa ikatlong taon na nasa ilalim ng COVID-19 pandemic ang bansa at buong mundo.

Ngayong ang huling araw ng tatlong araw na “Bakunahang Bayan” COVID-19 vaccination drive na layong mabakunahan kontra sa nasabing sakit ang mga bata edad 5-11 at makapagbigay din ng booster doses sa malaking bahagi ng populasyon.

Binalikan niya ang sitwasyon noong 2021 kung saan magpa-Pasko ay punong-puno ang mga ospital dahil sa pagkalat ng Delta variant ng COVID-19 at nagkaubusan pa sa suplay ng oxygen tanks.

“Ayaw na ho nating bumalik sa dating estado,” ani Vergeire kasabay ng pagdidiin ng kahalagahan ng bakuna bilang proteksyon sa nasabing sakit.

“Ngayon, laging tinatanong sa ‘kin kung kamusta ang Pasko natin ngayong 2022 kumpara sa Pasko noong 2021 at 2020. Lagi kong sinasagot it will be totally different. Ito po ay kakaiba sa mga naging Pasko natin noong mga nakaraang dalawang taon dahil ngayon, punong-puno na tayo ng armas para labanan ang COVID,” dagdag pa niya.

Sa kasalukuyan ay mayroon nang 73.7 milyon na Pinoy ang fully vaccinated kontra COVID-19 samantala 21 milyon naman ang nakatanggap na ng kanilang booster shots.

“Ang pinaka-importante, lahat ng ospital natin ngayon ay handang-handa na mag-admit ng pasyente at mag-gamot ng mga pasyente. Ang sabi nga nila, naging eksperto na ang mga doktor natin dito sa Pilipinas sa paggagamot ng COVID-19. Simula 2020 hanggang sa ngayon, nanggagamot sila ng COVID-19. Alam na alam na nila kung paano nila maisasalba ang buhay ng ating kababayan,” pagtatapos ni Vergeire. RNT/JGC