Church-relics ng dalawang Santo Papa, inilabas sa public veneration para sa Pope’s Day

Church-relics ng dalawang Santo Papa, inilabas sa public veneration para sa Pope’s Day

June 28, 2018 @ 3:06 PM 4 years ago


 

Kabilang ang mga relic ng dalawang kilalang santo na dati ring nagsilbi bilang mga Santo Papa ng Simbahang Katoliko, sa inilabas ng Manila Cathedral para sa public veneration kahapon, kasabay nang pagdiriwang ng Archdiocesan Pope’s Day.

Batay sa abiso ng Manila Cathedral, binuksan para sa public veneration ang relics nina St. John XXIII at St. John Paul the II matapos ang banal na misa na pinangunahan ni Apostolic Nuncio to the Philippines Archbishop Gabriele Caccia ganap na 6:00 kagabi.

Nabatid na ito ang unang pagkakataon na ilalabas para sa public veneration ang bone relic ni St. John XXIII, ang Santo Papa noong panahong muling itinatayo ang Manila Cathedral noong 1958.

Ang naturang relic ay ibinigay ng Vatican sa Manila Cathedral bilang pagpupugay sa ika-60 na anibersaryo ng muling pagkakatayo ng Manila Cathedral matapos ang giyera.

Samantala, muling bibigyan ng pagkakataon ang publiko na ma-venerate ang Blood Relic ni St. John Paul II na nauna nang inilabas para sa public veneration noong Abril.

Ang pagdiriwang ng Pope’s Day na pinangunahan ni Caccia ay isinagawa sa Minor Basilica ng Immaculate Conception kagabi, kasabay na rin ng pista ng ‘Solemnity of Saints Peter and Paul na kapwa naging bahagi sa pagpapatag ng simbahan.

Si St. Peter ang unang Santo Papa ng simbahan at si St. Paul ang apostol ng mga Gentil, ay sabay na nagdiriwang ng kapistahan bilang isa na kapwa nagdusa at inusig para sa simbahan at para salin-lahi.

Ang ‘diplomatic reception’ naman para sa okasyon ay gaganapin ngayong araw, Hunyo 29, sa mismong araw ng Pope’s Day sa Apostolic Nunciature of the Philippines, at kabilang sa mga inanyayahang dumalo dito ay sina Pangulong Rodrigo Duterte, Vice President Maria Leonor Robredo at iba pang matataas na opisyal ng pamahalaan na taunang imbitasyon sa pakikiisa sa mahalagang selebrasyon ng simbahan.

Ang Pope’s Day ay pagbibigay ng karangalan sa kontribusyon ng Santo Papa sa pagpapayaman ng pananampalatayang katoliko. (Macs Borja)