CIDG may ideya na sa mastermind sa mga nawawalang sabungero

CIDG may ideya na sa mastermind sa mga nawawalang sabungero

February 13, 2023 @ 4:28 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – May ideya na ang Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) patungkol sa mastermind na nasa likod ng mga nawawalang sabungero.

Ito ang inihayag ni CIDG chief Police Brigadier General Romeo Jr. kasabay ng case conference patungkol sa mga nawawalang sabungero sa harap ng pamilya ng mga ito at ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla sa Department of Justice.

“We have an idea of who but bilang primary investigating agency ng Philippine National Police ang CIDG, we don’t want na mag-file kami ng kaso na madi-dismiss lang,” ani Caramat sa isang ambush interview.

Dahil dito, hindi pa niya maaaring sabihin kung sino ang itinuturong mastermind.

Samantala, ayon kay Caramat, nakatutok naman ngayon ang mga awtoridad sa pag-aresto sa iba pang mga indibidwal na may kaugnayan sa pagkawala ng iba pang mga sabungero.

“That is the reason why we’re concentrating on arresting these people because we believe na sila po ‘yung lahat ng mga kaso up to case number 8 ay iisa lang ‘yung may kagagawan,” aniya.

“And we believe that these people are the ones who orchestrated all these cases and so kapag mahuli ito, lahat ng kaso, lahat ng case na iniimbestigahan namin ay ma so-solve,” dagdag niya.

Kung babalikan, noong Enero ay naghain na ng kasong kidnapping at serious illegal detention ang Department of Justice sa anim na indibidwal na itinuturong sangkot sa pagkawala ng anim na sabungero.

Sumuko rin ang tatlong dating pulis na sangkot naman sa pagdukot sa e-sabong agent. RNT/JGC