Cinemalaya 2022, muling hahataw!

Cinemalaya 2022, muling hahataw!

July 8, 2022 @ 1:00 PM 1 month ago


Manila, Philippines – Pagkatapos ng humigit-kumulang na dalawang taon, nagbabalik na naman ang Cinemalaya, ang tinaguriang mother of all independent film festivals sa ika-18 nitong edisyon.

Sa layuning mapasigla ang industriya ng pelikulang Pilipino, mapapanood na ang inaabangang film festival ng taon sa on-site screenings nito sa Cultural Center of the Philippines at sa iba’t-ibang sinehan sa buong kapuluan.

May temang “Breaking Through The Noise,” tampok ang labing-isang (11) full-length films at labindalawang (12) short feature films sa edisyon ngayong taon.

Ang full-length films sa kumpetisyon ay finalists na napili noong 2020 at 2021 subalit dahil sa limitasyon dala ng COVID-19 pandemic, hindi natapos sa takdang oras ang ilang mga kalahok.

Ang labing-isang full length films na magtutunggali para sa Balanghai trophies ngayon taon ay ang 12 Weeks ni Anna Isabelle Matutina; Angkas ni Rain Yamson; Bakit ‘Di Mo Sabihin? ni Real S. Florido; Batsoy ni Ronald Espinosa Batallones; Blue Room ni Ma-an L. Asuncion-Dagńalan; Bula Sa Langit ni Sheenly Gener; Ginhawa ni Christian Paolo Lat; Kaluskos ni Roman S. Perez, Jr.; Kargo ni TM Malones; Retirada ni Milo Alto Paz and Cynthia Cruz-Paz; at The Baseball Player ni Carlo Obispo.

Para naman sa short feature main competition, napiling finalists ang Ampangabagat nin Talakba ha Likol ni Maria Estela Paiso; Black Rainbow ni Zig Dulay; City of Flowers by Xeph Suarez at Alemberg Ang ; Dikit ni Gabriela Serrano; Distance ni Dexter Paul de Jesus; Duwa-Duwa ni Nena Jana Achacoso; Kwits ni Raz de la Torre; Mata Kang Busay nina Nińo B. Maldecir at Cypher John T. Gayorgor; Mga Handum nga Nasulat sa Baras nina Arlie Sweet Sumagaysay at Richard Jeroui Salvadico; See You, George!ni Mark Moneda; Si Oddie ni Maria Kydylee Torato; at Roundtrip to Happiness ni Claudia Fernando.

Ang competing films ay ipalalabas sa mga piling sinehan sa buong bansa simula Agosto 10 hanggan 17.

Pagkatapos ng theatrical runs nito, magiging regional ito at ipalalabas sa mga piling komunidad sa bansa mula Agosto 22 hanggang 29.

Magkaroon rin ito ng online run mula Oktubre 17 hanggang 31 via CCP Vimeo account para sa mga nagnanais na mapanood ito sa streaming platform.

Isa pang mahalagang bahagi ng film festival ang Gawad CCP Para sa Alternatibong Pelikula at Video, na muli na namang magbibigay-daan sa pagtatampok ng short films sa iba’t-ibang kategorya tulad ng Short Feature/Narrative, Experimental, Documentary at Animation.

Ang finalists sa mga nasabing kategorya ay ipalalabas sa CCP Tanghalang Manuel Conde mula August 6 hanggang 8.

Gaganapain naman ang Gawad Alternatibo Awarding ceremonies sa Agosto 13, 2022 samantalang ang Cinemalaya Awards night ay idaraos sa Agosto 14, 2022 sa Tanghalang Nicanor Abelardo (CCP Main Theater).

Ang 2022 Sundance Film Festival Special Jury awardee na ‘Leonor Will Never Die’ ang opening film ng Cinemalaya 18 ngayong taon. Archie Liao