Civil cervants courses alok ng CSC

Civil cervants courses alok ng CSC

January 23, 2023 @ 10:29 AM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Nasa mahigit 70 kurso na may kinalaman sa leadership, foundation, at human resource management (HRM) ang iniaalok ng Civil Service Commission (CSC), sa pamamagitan ng Civil Service Institute (CSI), para sa taon 2023.

Kabilang sa mga kursong ito ang mga paksa sa iba’t ibang pamumuno at HR function tulad ng Leadership and Management Certification Program (CPro), Public Service Values Program (PSVP), CSI Leadership Series, Competency-based HR Program (CBHR), Learning and Development (L&D) Programs at Strategic HROD Series.

Nabatid na ang mga rehistradong kalahok na makakatapos ng mga online na kursong ito ay makakakuha ng “certificate of completion” gayundin ang kinakailangang training hours na magagamit upang matugunan ang kinakailangan sa pagsasanay para sa mga posisyong managerial at superbisor para sa civil service.

“Ito ay bahagi ng regular na programa ng CSC na maghatid ng learning and development interventions para sa mga lider at kawani ng pamahalaan. Mahalaga para sa ating mga lingkod bayan na mayroon silang continuous learning, na patuloy na madagdagan ang kanilang kaalaman at mahasa ang kanilang competencies na kinakailangan para makapagbigay ng maayos na serbisyo publiko,” ayon kay CSC Chairperson Karlo Nograles.

Nabatid kay Nograles na ang mga naka-line-up na kurso ngayong taon ay upang matulungan ang mga tagapaglingkod ng sibil, kabilang ang mga managers at mga human resource practitioners, na mag-navigate sa mga pagbabago sa burukrasya at mga hamon ng serbisyo publiko sa panahon ng post-pandemic.

“Siniguro naming ang mga ito ay relevant o naaayon sa kasalukuyang panahon kung saan maraming nagaganap, at marami pang magaganap, na mga pagbabago sa ating mga pamamaraan ng pagtatrabaho dulot ng pandemya. Makakaasa ang ating mga lingkod bayan na magiging sulit ang pagdalo nila sa mga trainings ng CSC,” ani Nograles.

Iginiit pa ni Nograles na mas maraming learning and development interventions ang iniaalok ng CSC Regional Offices (ROs).

Ang Learning and Development Plan Matrix ng CSC-CSI, gayundin ang mga detalye tungkol sa bawat kurso, ay maaaring ma-access sa csi.csc.gov.ph.

Samantala, ang mga interesadong mag-avail ng mga kursong pagsasanay na inaalok ng mga CSC RO ay maaaring direktang magtanong sa kinauukulan ng CSC RO. Ang direktoryo ng mga tanggapan ng CSC ay makukuha sa website ng CSC sa www.csc.gov.ph. RNT