Classroom availability dapat isaalang-alang sa F2F classes- DepEd

Classroom availability dapat isaalang-alang sa F2F classes- DepEd

December 6, 2021 @ 6:00 PM 10 months ago


MANILA, Philippines- Iginiit ng Department of Education (DepEd) nitong Lunes na dapat isaalang-alang ang sapat na bilang ng mga silid-aralan sakaling lahat ng estudyante sa lahat ng baitang ay magbalik na sa mga paaralan upang makilahok sa limitadong face-to-face classes sa gitna ng coronavirus disease (COVID-19) pandemic.

Ito ang naging pahayag ni DepEd Undersecretary Nepomuceno Malaluan sa panayam sa CNN Philippines, at sinabing sa kasalukuyan, ang mga estudyante lamang na pinayagan ng kanilang mga magulang ang pwedeng makibahagi sa pilot run ng limitadong in-person classes.

“This will become an issue when we do for all the grade levels because then, the classroom availability will be a consideration,” aniya.

Pinayagan ng DepEd ang 177 pang paaralan, kabilang ang 28 pampublikong paaralan sa Metro Manila, upang makibahagi sa pilot run ng face-to-face classes simula sa Lunes. Bukod pa ito sa 118 paaralan na inisyal na inaprubahan ng DepEd na magsagawa ng limitadongface-to-face classes nitong Nobyembre.

Sa kasalukuyan ang mga nasa Kindergarten hanggang Grade 3, maging ang mga estudyante ng senior high school, ang kasali sa pilot run.

“One possibility there is that we do alternative weeks for the students. It will be difficult to accommodate a single class in the morning and afternoon sessions when we go on full scale of all grade levels,” patuloy ni Malaluan.

Aniya, sa kasalukuyan ay may sapat na espasyo upang magsagawa ng pisikal na klase. Maaari rin umanong magsagawa ng shifts- sa umaga at hapon- upang tanggapin lahat ng mga mag-aaral.

Tinitingnan din ng DepEd ang posibilidad ng pagbibigay ng prayoridad sa mga estudyante sa pagbabalik sa paaralan depende sa lebel ng kanilang pangangailangan kagaya ng mga may limitadong pinagkukunan upang masuportahan ang full distance learning.

“Everyone should have an equal opportunity for access (to schools). May mga pagkakataon na we have to really have a smaller number if that’s a decision that needs to be made. That is when certain prioritization standards come into play,” sabi ni Malaluan.

Binigyang-diin din niya na  ang pagpapabakuna laban sa COVID-19 ay hindi mandatoryo sa mga estudyante na makikilahok sa in-person classes, ngunit mandatoryo sa mga guro at iba pang school personnel.

“Not yet for students—it’s not a requirement, it’s encouraged. It is a requirement for teachers and non-teaching personnel that they are vaccinated to be able to go in person and meet the students,” paglilinaw niya.

Dagdag pa niya, sinisilip ng DepEd ang vaccination rollout sa mga bata na magsisilbing proteksyon at suporta sa posibleng pagpapalawig ng in-person classes sa isang taon. RNT/SA