Clean-up sa Boracay tuloy-tuloy

Clean-up sa Boracay tuloy-tuloy

July 12, 2018 @ 5:34 PM 4 years ago


Aklan – Mismong si Pol. C/Supt. John Bulalacao, regional director ng Police Regional Office (PRO)-6, ang naguna sa kapulisan upang linisin ang dalampasigan ng Boracay.

Sa report, isinaman sa aktibidad ang mga tauhan ng Boracay Tourist Assistance Center, Malay Police Station, at Metro Boracay Police Task Force ang clean-up operations upang makasunod sa time table ng muli nitong pagbubukas.

Ito rin umano ang ambag ng kapulisan sa nasabing proyekto.

Ito ang kauna-unahang pagbisita si Bulalacao sa Boracay mula nang maupo siya puwesto.

Magugunitang isinailalim sa rehabilitasyon ang isla noong Abril 26 matapos na ideklara ni Pangulong Rodrigo Duterte ang state of calamity sa tatlong barangay nito dahil sa environmental problems.

Samantala, ipinadala na ni Environment Secretary Roy A. Cimatu, chairman ng Cabinet Cluster on Climate Change Adaptation, Mitigation, and Disaster Risk Reduction (CCAM-DRR),kay Duterte, ang plano para sa climate change adaptation, mitigation and disaster risk reductionpara sa susunod na apat na taon.

Ani Cimatu, magsisilbing gabay ang roadmap upang mabawasan ang bigat ng epekto ng pagbabago ng panahon sa bansa.

Aniya, pinag-aralang mabuti ng mga eksperto ang nasabing roadmap upang hindi sila mapahiya sa pangulo.

Kasama sa nagdesisyon dito ang pangulo bilang Participatory Governance;  Infrastructure; Human Development and Poverty Reduction; Security, Justice, and Peace; at Economic Development.

Ang CCAM-DRR Cabinet Cluster ay isang cross-departmental body na kinabibilangan ng 20 ahensya ng gobyerno na na sumasailalim ng Executive Order No. 24.

Ayon kay Cimatu, layunin ng CCAM-DRR Roadmap na mabawasan ang epekto ng climate at gawing disaster-resilient ang lahat ng komunidad na maaaring maging sentro ng trahedya.

May 22 probinsya, 822 bayang malapit sa dagat at mga pangunahing siyudad tulad ng Metro Manila, Cebu, Iloilo at Davao ang pwedeng mailigtas sa trahedya ng nasabing roadmap.

Ayon kay DENR Undersecretary for Climate Change and Mining Concerns Atty. Analiza Rebuelta- Teh, dapat ay ipinatutupad na ang roadmap noon pang Enero.

Isa sa mga paraan upang maipatupad ito ay sa pamamagitan ng Risk Resiliency Program (RRP), isang framework program na tutulong sa bansa upang palakasin ang resiliency ng ecosystem at adaptive capacity ng mga delikadong komunidad.

Uunahin umano nila ang mga lugar ng mahihirap o “high poverty incidence”, mga lugar na laging tinatamaan ng bagyo o madalas na malagay sa alanganin ang buhay ng mga residenteat mga probinsyang nasira na ang watersheds.

Ngayong 2018, nakatutok ang RRP sa walong probinsya kasama ang Western Samar, Negros Oriental, Saranggani, Surigao del Norte, Surigao del Sur, Dinagat, Sorsogon, at Masbate.  (Nenet L. Villafania)