Clock tower museum pinasinayaan ni Isko bago bumaba sa pwesto

Clock tower museum pinasinayaan ni Isko bago bumaba sa pwesto

June 30, 2022 @ 10:43 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – BAGO pa man bumaba bilang Alkalde ng Lungsod ng Maynila ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso, pinasinayaan nito ang Manila Clock Tower Museum na itinuturing na isa sa mga “legacy” na iiwan nito sa mga Manilenyo.

Pinangunahan ni Domagoso ang “ribbon cutting” sa sa pinakasikat na landmark ng lungsod, ang Manila City Hall clock tower, na dati ay tinitingala ngunit kinatatakutan ng marami dahil sa mga horror stories nito ngunit ngayon ay ginawa ng museo.

“Now, this is an iconic place for the city and the country, and we’re happy to offer it to you today dahil sa ito’y hindi na lang orasan kundi magiging pasyalan din. At kung gusto mong mag muni-muni, makita yung 360 degree ng city of Manila, you can avail of that here in the clock tower of Manila City Hall,” ani Domagoso.

Napag-alaman na ang nasabing clock tower ay itinayo noong 1941, bago ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, ay matatagpuan sa hilagang bahagi ng hindi regular na hugis na gusali na idinisenyo ni Antonio Toledo, at bahagi ng mga neoclassical na gusali ng Maynila.

“Ang clock tower na ito’y maging alala na tayo’y maging matatag sa buhay na ang pagkakadapa ay magiging tanda ng karanasan sa pagkakamali sa buhay. What matters most, at the end of the day, bangon, move on, yan sana ang maging simbolo, pag kayo’y naglalalakad sa Lawton, pag nakikita ninyo ang clock tower na ito,” dagdag pa ni Yorme.

Kasama ni Domagoso sa nasabing pagdiriwang sina Mr. Jeremy Barns, director of National Museum; Mr. Rene Escalante, chairman of the National Historical Commission of the Philippines; Hon. Penelope Belmonte, undersecretary of the National Anti-Poverty Commission; at Mr. Guiller Asido, Administrator ng Intramuros Administration.

Nagtatampok ang Manila Clock Tower Museum ng iba’t ibang multi-sensory exhibit ng makasaysayang kaganapan tulad ng Battle of Manila na dinisenyo at ginawa nina Ohm David at Elba Cruz. JAY Reyes