‘Clustered sites’ sa assistance request bubuksan ng DSWD

‘Clustered sites’ sa assistance request bubuksan ng DSWD

February 23, 2023 @ 3:49 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Target ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na magbukas ng “clustered sites” sa mga susunod na araw upang masolusyunan ang mahabang pila ng mga nagnanais makahingi ng tulong sa central office.

Sa panayam nitong Huwebes, Pebrero 23, sinabi ni DSWD Secretary Rex Gatchalian na target nilang gamitin ang mga basketball court, sinehan at iba pang multipurpose facilities malapit sa opisina ng ahensya.

“Hindi kasi safe at hindi maayos na sa kalsada sila nakapila. So ang gagawin natin, ililipat natin sila kung saan nakaupo sila,” ani Gatchalian.

Samantala, sinabi rin nito na ipatutupad din nila ang numbering system para sa mga aabutan ng cut-off na magagamit sa kasunod na araw nito.

“Ang nangyayari, na e-exhaust namin ‘yung quota for tomorrow and the next day na… nabigay na namin ‘yung number for the succeeding days,” paliwanag naman ni Gatchalian nang tanungin tungkol sa pumalya rin na pagbibigay ng numero sa mga pumila.

Sa ngayon ay pinag-aaralan pa nila ang pagpapabuti sa naturang numbering system.

“Give us some time for that… Kasi nga we can only process 700 at any given time,” aniya.

Nilinaw din ni Gatchalian na ang mga pumipila ay ang mga humihingi ng tulong para sa pagpapalibing, pagpapagamot at pag-aaral.

Kasabay nito ay hinimok niya ang publiko na pumunta sa field office sa halip na bumiyahe pa patungong Central Office.

Plano ng DSWD na magtayo pa ng mas maraming satellite office at payout center sa Camanava, Muntinlupa area, Pasig, Mandaluyong, San Juan, Marikina, Manila, at Quezon City.

Plano rin ng ahensya na maglunsad ng “chatbot” sa messenger at digital portal kung saan maaaring makapag-request ang mga benepisyaryo, sa mga susunod na buwan.

“We’re coming with a chatbot, parang nakikita niyo sa mga kumpanya, kung saan yung mga paulit ulit na tanong masasagot na lang doon… We’re also working on a digital portal kung saan pwede nila siguro i-upload yung mga requirements and yung mga request for financial assistance. And then we’ll send it back to you either through digital forms like GCash or Paymaya,” ani Gatchalian. RNT/JGC