COA: Gov’t assistance ‘di inabuso ni Obiena

COA: Gov’t assistance ‘di inabuso ni Obiena

July 22, 2022 @ 1:28 PM 4 weeks ago


MANILA, Philippines- Ginamit ng Filipino Olympian at pole vaulter na si EJ Obiena ang P10 milyong halaga ng government assistance na binigay sa kanya para pondohan ang kanyang pagsasanay para sa international competitions, kabilang ang 2020 Tokyo Olympics, ayon sa Commission on Audit (COA).

Sa annual audit report sa Philippine Sports Commission (PSC), inihayag ng state auditors na pinabigatan ng Philippine Athletics Track and Field Association (PATAFA), ang national sports governing body para sa isports ni Obiena (athletics), ang atleta sa liquidation duties ng P10 milyong government financial assistance dahil sa paulit-ulit na pagpalya ng PATAFA na mag-liquidate ng mga nakaraang financial government aid sa mga atleta nito sa tamang panahon.

Dahil sa late liquidation ng PATAFA, sinabi ng COA na direktang ibinigay ng PSC ang P10.3 milyon mula sa P12.3 milyong financial assistance kay Obiena, labag umano sa alituntunin ng COA, upang masiguro na sapat ang suporta para sa pagsasanay ni Obiena.

“Upon the request of an NSA (PATAFA), the PSC granted financial assistance directly to an athlete to support his training abroad in preparation for his participation in international competitions such as the 2019 Southeast Asian Games and the 2020 Tokyo Olympics. Inquiry revealed that the direct release of financial assistance was due to the unliquidated previous financial assistance of the NSA and out of necessity in order not to hamper/disrupt the athlete’s international training,” paglalahad ng COA.

“While we note that based on our regular audit, the related expenditures for the financial assistance were utilized for the purpose granted, the audit team observed that the huge amount of financial assistance directly released put financial reporting or accountability problems on the athlete,” dagdag ng ahensya.

Ayon pa sa COA, ilang taon ang itinagal para ma-liquidate ng PATAFA ang P2 milyong government financial assistance sa mga atleta na ibinigay sa mga sumusunod na petsa:

  • Hulyo 1999,

  • Marso, Hunyo at Agosto 2017, at

  • Agosto 2018

Batay pa sa COA report, na-liquidate lamang ng PATAFA ang P916 milyong financial aid mula sa PSC noong 1999 nitong Pebrero hanggang Disyembre 2021, habang ang natitirang hala mula 2017 at 2018 ay na-liquidate naman noong 2019 hanggang Hulyo 2021.

Batay sa state auditors, taliwas ito sa memorandum of agreement na pinasok ng PATAFA at PSC.

“The NSA (PATAFA) is in remiss of its obligation to liquidate on time the financial assistance granted to it, contrary to the provision of the MOA it entered into with PSC wherein it states that the liquidation will be made after within 30 days after the completion of the sports competition or event or project,” ayon sa COA.

“We have noted that the long period of time these funds remained unrefunded deprived the PSC to utilize the same for its other sports promotion and development programs,” dagdag nito.

Hindi naman pumalag ang PSC sa nabanggit na findings.

Batay pa sa COA report, sinabi ng state auditors na pumayag ang PSC sa mga  sumusunod na rekomendasyon ng COA:

  • Suspensyon ng pagbibigay ng financial assistance sa NSAs na may outstanding balances;

  • Hindi direktang pagbibigay sa mga atleta; at

  • Liquidation/refund ng lahat ng financial assistance sa loob ng 30 araw pagkatapos ng sports competition/event alinsunod sa MOA.

Magugunitang inakusahan ng PATAFA si Obiena, na nakalusot sa pole vault finals noong 2020 Tokyo Olympics, ng maling paggamit ng government assistance na ibinigay sa kanya.

Mariin naman itong itinanggi ni Obiena.

Matatandaan ding nagkaayos sina Obiena at ang PATAFA noong Marso 2022. RNT/SA