Manila, Philippines – Kinuwestiyon ng Commission on Audit (COA) P5.9 bilyon na pondong naubos ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).
Lumalabas kasi sa 2017 audit report ng ahensiya, ang naturang charity fund ng PCSO ay naubos sa maling paraan.
Imbes kasi na ibawas sa operating fund ang mga ginastos para sa kontribusyon sa Commission on Higher Education, pambayad ng documentary stamp taxes ng BIR, pambayad sa personal na serbisyo ng mga empleyado ng PCSO charity clinic, at benepisyong medikal ng mga empleyado, sa charity fund ito ibinabawas.
Ayon sa COA, ang charity fund ay para lang sa mga programang pangkalusugan, medikal na serbisyo at iba pang proyektong kawanggawa alinsunod sa batas.
Ipinag-utos na ng COA sa PCSO na itigil ang paggamit ng charity fund sa mga maling paraan.
Ayon naman sa PCSO, simula Enero nitong taon, sa operating fund na binabawas ang charity clinic expenses habang sa charity fund pa rin kinukuha ang pambayad ng medical benefits, isang bagay na hindi pa rin sinang-ayunan ng COA. (Remate News Team)