COA magkakasa ng audit sa bilyong pondong pinambili ng COVID-19 vax – Angara

COA magkakasa ng audit sa bilyong pondong pinambili ng COVID-19 vax – Angara

November 16, 2022 @ 1:39 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines- Nakatakda pang magsagawa ng audit ang Commission on Audit (COA) sa bilyong pondong ginamit bilang pambili ng bakuna laban sa COVID-19 dahil nakatali ang kamay ng ahensiya sa non-disclosure agreements na pinasok ng gobyerno ng Pilipinas sa vaccine supplier, ayon kay Senador Sonny Angara.

Ibinulgar ito ni Angara sa kanyang pagdepensa sa P13.1 bilyong badyet ng state audit agency para sa 2023, nang tanungin ni Senador Francis Escudero kung paano nagsasagawa ng audit ang COA sa inilaan at inutang na ginamit sa pagbili ng bakuna dahil wala pang ulat ang ahensiya.

“How did COA audit the purchase of these vaccines in 2020 and 2021? Because again, based on newspaper reports, and you know… I based it on newspaper reports simply because there are no reports,” ayon kay Escudero.

Sinabi ni Escudero na nakuha nya lamang ang impormasyon na naglaan ang pamahaaan ang P300 bilyon sa pagbili ng bakuna vs COVID-19 ngunit walang opisyal na impormasyon mula sa gobyerno.

Ayon naman kay Angara, umabot sa P8.93 bilyon ang inilaan sa 2021 national budget para pambili ng bakuna at mahigit P70 bilyon mula sa foreign-assisted loans.

Aniya, mayroon iba pang pondo para pambili ng bakuna na isinama sa iba pang batas.

“The previous government has been citing NDAs or non-disclosure agreements so as not to say anything about the procurement of vaccines. That’s why I can only base it on newspaper reports, instead of actual reports either coming from the DOH coming from the DOF or for that matter…coming from COA,” aniya.

Ngunit, idinagdag naman ni Escudero na dapat mayroong audit report sa pagbili na it dahil isinagawa ang pagbili nong 2020 at unang yugto ng 2021.

Bilang tugon, sinabi ni Angara na nagsagawa ang COA ng audit sa bilang kung ilan ang ginamit na bakuna pero hindi ang aktuwal na halaga ng pondo na ginamit.

“What they have subjected to audit is the inventory the quantities bought by government and the utilization of the vaccines, your honor, but they have not subjected to a detailed audit, the contracts between the government and the suppliers because of what you also mentioned, the so-called NDAs, contained in the purchase documents or the contracts regarding the purchase of vaccines,” paliwanag ni Angara.

Sa puntong ito, ipinaalala ni Escudero sa COA na may mandato itong tiyakin na legal ang paggamit ng public funds at hindi suriin kung ilan ang bakunang naihatid sa bansa.

“Hindi naman general services office ang COA na titingnan kung ang delivery tama at kung nagamit ang binili ng gobyerno. That’s part of it but the more important component is: Was the money spent legally in accordance with law, insofar as the requirements for transparency and accountability provided for under the constitution and lodged with the constitutional commission called COA?” ayon kay Escudero.

Ikinatuwiran naman ni Angara na andap sa una ang COA sa NDA pero dahil ipinalutang ni Escudero ang isyu, napagtanto ng state auditors na hindi sila sakop ng NDA dahil hindi naman silang partido sa kasunduan.

Tiniyak ni Angara kay Escudero na ipipilit ng COA ang legal na karapatan nito sa ilalim ng Saligang Batas at magsagawa ng representasyon sa ahensiyang sangkot sa pagbili ng bakuna upang makakalap ng impormasyon.

Iginiit pa ni Angara na may subpoena powers ang state audit agency upang pilitin na tumupad ang ahensiya na sangkot sa pagbili ng pagsumite ng kaukulang dokumento.

“They are willing to use these powers, your honor,” ani Angara.

Sa ngayon, hindi pa nakakakuha ng kopya ng NDAs ang COA.

“It is “about time” for the COA to use these powers “given that it’s been over a year,” giit ni Escudero. Ernie Reyes