Coast guard modernization ituloy, presensya sa WPS, kailangan – Eleazar

Coast guard modernization ituloy, presensya sa WPS, kailangan – Eleazar

February 28, 2022 @ 10:07 AM 4 months ago


MANILA, Philippines – Isusulong ni senatorial candidate at dating PNP chief Gen. Guillermo Lorenzo Eleazar ang pagpapatuloy sa modernization ng Philippine Coast Guard dahil kailangan aniya ng bansa na palakasin pa ang presensya sa West Philippine Sea (WPS).

“Sa patuloy na tension sa West Philippine Sea, mahalaga ang ginagampanang tungkulin ng Philippine Coast Guard. Mas mabuti nang hindi ang mga barko ng Philippine Navy at baka lang makapag-palala pa ng sitwasyon,” ani Eleazar.

Ibinigay ni Eleazar ang pahayag matapos dumating ang bagong multi-role response vessel (MRRV)-9701 ng PCG, na aniya’y malaking tulong sa pagpapalakas ng presensya ng Pilipinas sa WPS.

Makatutulong din aniya ang barko sa pagprotekta sa mga mangingisdang Pilipino, na ilang beses nang napaulat na itinaboy ng mga dayuhang namamalagi sa naturang bahagi ng dagat, at pangalagaan ang interes ng Pilipinas doon.

Dumating ang MRRV-9701 sa bansa nitong Sabado at nakatakdang i-commission sa serbisyo bilang BRP Teresa Magbanua.

“But we understand that this is not enough, that is why we have to support the continuous modernization of our Coast Guard for the enforcement of our maritime laws and the protection of our interest in the West Philippine Sea,” ani Eleazar.

Bukod sa PCG, una na ring nagpahayag si Eleazar ng suporta sa pagbili ng mga bagong sasakyan at kagamitan para sa Philippine Navy at Philippine Air Force, na aniya’y kailangan din upang pagtibayin ang soberenya ng Pilipinas sa WPS.

Ang 97-metrong MRRV-9701 ang itinuturing na pinakamalaking barko ng PCG. Nakatakda itong gamitin sa pagsasanay ng mga tauhan ng Coast Guard sa maritime security and safety, law enforcement, search and rescue, at marine environmental protection, na kadalasa’y ginagawa sa West Philippine Sea.

Iminodelo ang MRRV-9701 sa Kunigami-class ships na ginagamit ng Japanese Coast Guard sa pagbabantay sa pinag-aagawan ding Senkaku Islands. Ito ang una sa dalawang 97-metrong barko na binili ng PCG sa Japan.

Samantala, pinuri din ni Eleazar ang mga stratehiya ng PCG sa West Philippine Sea na aniya’y naging epektibo sa pagtataboy sa mga nanghihimasok na dayuhan.

“Kung nagawa nila ito na with the assets they have, I believe mas lalo pang lalakas ang kakayahan ng ating Coast Guard kung patuloy na madadagdagan ang kanilang mga kagamitan,” ani Eleazar. Jan Sinocruz