Coastal areas sa Siargao ‘di na dapat tirahan – Duterte

Coastal areas sa Siargao ‘di na dapat tirahan – Duterte

January 11, 2022 @ 11:02 AM 7 months ago


MANILA, Philippines – Hindi na dapat pang payagan na makapagpatayo pa ng kanilang bahay ang mga residente ng Siargao na nakatira malapit sa baybaying-dagat matapos manalasa ng bagyong Odette.

Sinabi ng Pangulo na lubhang mapanganib na tumira sa baybaying-dagat ng Siargao kaya’t marapat lamang na ipagbawal.

Ang pahayag na ito ng Pangulo ay matapos na salantain ng bagyong Odette ang isla gamit ang malakas na hangin at buhos ng ulan.

“Delikado talaga ‘yung . . . Coastal diyan sa Siargao. Dapat hindi na payagan ‘yan,” ayon sa Pangulo sa kanyang Talk to the People, Lunes ng gabi.

Daang katao ang namatay habang mahigit sa 1,000 katao naman ang nasugatan nang manalasa si bagyong Odette sa bansa noong nakaraang Disyembre.

Si bagyong Odette ang itinuturing na “strongest typhoon” na tumama sa bansa noong nakaraang taon, nawalan ng tirahan ang 561,000 katao sa mga rehiyon ng Visayas at Mindanao. Ang Siargao ay isa sa matinding tinamaan ng bagyo. Kris Jose