COC ng Mayor bet sa Mt. Province kinansela ng Comelec

COC ng Mayor bet sa Mt. Province kinansela ng Comelec

April 22, 2022 @ 9:27 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Ipinag-utos ng Commission on Elections (Comelec) second division na kanselahin ang certificate of candidacy (COC) ni Avelino Amangyen, isang kandidato sa pagka-alkalde sa Paracelis, Mountain Province para sa May 9 election dahil sa pagsisinungaling tungkol sa conviction sa isang kasong kriminal.

Ang 13-pahinang desisyon na isinulat ni Comelec division presiding commissioner Marlon Casquejo ay nagsabi na “in view of the Respondent’s conviction by final judgment of an offense which carried with it the accessory penalty of perpetual absolute disqualification, Respondent is in effect ineligible to run for office pursuant to Section 12 of the OEC (Omnibus Election Code). Such ineligibility, which took effect as soon as the judgment against him attained finality contradicts material representations in his COC.”

Ang desisyon ay nilagdaan ng lahat ng tatlong miyembro ng dibisyon at ipinahayag noong Abril 19. Isang kopya ng dokumento ang ipinadala sa local media noong Huwebes.

Hinatulang guilty si Amangyen sa paglabag sa Presidential Decree 705 o Forestry Code noong 2013. Ang hatol ay pinagtibay ng Court of Appeals at kasunod nito ay ng Supreme Court noong 2018.

Sinabi ng dibisyon na nagbigay ng sagot na “No” si Amangyen, sa kanyang COC, sa tanong na “Have you ever been found liable for an offense which carries with it the accessory penalty of perpetual disqualification to hold public office which has become final and executory” at nagpatuloy sa pagsulat ng N/A sa mga puwang na ibinigay kung saan ang kandidato ay kinakailangang magbigay ng impormasyon.

Sinabi ng Comelec, “ang materyal na representasyon sa kanyang COC na sumasalungat sa pagkakaroon ng kanyang conviction gayundin ang perpetual disqualification ay nagsisilbing batayan para sa pagkansela nito sa ilalim ng Section 78 ng OEC.”

Nag-ugat ang kaso ni Amangyen sa isinagawang raid ng pulisya sa kanyang tirahan sa Paracelis kung saan natagpuan ang ilang board feet ng mga forest products na walang permit.

Siya ay pinatawan ng parusang reclusion temporal na may pagkakakulong na hindi bababa sa 12 taon at isang araw at 20 taon bilang maximum.

Sinabi rin ng Comelec sa desisyon na naninindigan ang respondent na hindi pa pinal ang kanyang paghatol dahil sa isang nakabinbing insidente sa Korte Suprema. Ang Komisyong ito ay naniniwala, gayunpaman, na ang nakabinbing insidente ay hindi makakaapekto sa pinalidad Respondent’s conviction.” Jocelyn Tabangcura-Domenden