Cocaine bumabaha na sa Europa

Cocaine bumabaha na sa Europa

March 18, 2023 @ 9:21 AM 2 weeks ago


UNITES NATIONS – Iniulat ng United Nations Office on Drugs and Crime na halos bumabaha ng cocaine sa United Kingdom at Europen Union.

Ayon sa UNODC, lumakas sa 35 porsyento ang produksyon ng cocaine habang humuhupa na ang pandemyang dulot ng coronavirus disease-19 o COVID-19 nitong 2021-2022.

Bagama’t ang United States pa rin ang nangungungang suki ng droga, palakas nang palakas na ang cocaine sa UK at EU dahil sa muling pagbubukas ng mga bar, nightclub at iba pang mga establisimyento na pinamumugaran ng mga drug dealer at user.

Tone-tonelada na umano ang mga nasasamsam sa UK at EU subalit hindi nasasawata ang higit na mas malalaking bulto na pumapasok sa nasabing mga bansa.

Ang UK lang, tinatawang may 10 tonelada nang nakapasok dito.

Isa pa umanong dahilan ng paglakas ng cocaine industry ang muling paglakas ng mga biyahe papunta sa Hamburg Germany, Antwerp, Belgium at Netherlands bilang dagdag sa mga puerto ng Portugal at Spain na dati nang pasukan ng droga.

Lumakas na rin umano nang todo ang Albanian connection na pumapalit o nakikipagkapit-bisig sa Italian mafia sa pagpapakalat ng droga.

Kabilang umano sa mga malaking pinanggagalingan ng cocaine ang Mexico, Colombia, Ecuador at Peru at may nanggagaling din sa Afghanistan at ilang Arabong bansa.

Ang Ecuador ngayon ang sinasabing pinakamalaking producer ng cocaine at superhighway na rin patungong UK at EU. RNT