Cocaine ‘super-cartel’ timbog sa Dubai at Europe!

Cocaine ‘super-cartel’ timbog sa Dubai at Europe!

November 29, 2022 @ 7:36 AM 2 months ago


EUROPE – Nabuwag ng pulisya ang isang “super-cartel” ng droga na kumokontrol sa ikatlong bahagi ng kalakalan ng cocaine sa Europa, kung saan arestado ang 49 indibidwal sa iba’t ibang bansa, kabilang ang anim na punong suspek sa Dubai, ayon sa ulat ng Europol.

Umabot naman sa 30 tonelada ng droga ang nasamsam ng Europol na humantong sa pag-aresto sa Belgium, France, Netherlands at Spain, sinabi ng ahensya ng pulisya ng European Union sa isang pahayag.

“The drug [kingpins], considered as high-value targets by Europol, had come together to form what was known as a ‘super cartel’ which controlled around one third of the cocaine trade in Europe. The scale of cocaine importation into Europe under the suspects’ control and command was massive and over 30 tonnes of drugs were seized by law enforcement over the course of the investigations,” ayon pa sa Europol.

Sinabi ng Europol na inaresto ng Dubai ang dalawang “high-value” na suspek na nauugnay sa France, dalawang konektado sa Netherlands at dalawa pang naka-link sa Spain, sampung tao naman ang inaresto sa Belgium, anim sa France at 13 sa Spain, habang 14 na tao ang inaresto noong 2021 sa Netherlands bilang bahagi ng parehong operasyon, dagdag pa ng Europol.

Ang mga pag-aresto ay ang pinakabago sa isang serye na sumunod sa isang pag-hack ng pulisya ng mga sopistikadong naka-encrypt na telepono na ginamit ng mga organisadong network ng krimen noong nakaraang taon. RNT