Coco Levy Trust Fund Bill, malapit nang aprubahan – Villar

Coco Levy Trust Fund Bill, malapit nang aprubahan – Villar

July 25, 2018 @ 1:40 PM 5 years ago


 

Manila, Philippines – Inihayag kahapon ni Senator Cynthia Villar na malapit nang maisabatas ang panukala sa pagbuo ng P100-billion coconut levy trust fund matapos itakda ng bicameral conference committee ang meeting sa August 1 upang ayusin ang magkakasalungat na probisyon nito.

Nagtitiwala si Villar, chairperson ng Committee on Agriculture and Food, na magkakaroon ng “common ground” ang mga kasapi ng bicam panel sa kabila ng pagkakaiba sa bersyon ng House of Representatives at Senado.

“It will not be very difficult to convince our colleagues to agree on provisions that will make sure that benefits from the coconut levy fund will be protected, maximized and will directly go to the 3.5 million coconut farmers themselves,” ani Villar.

Kabilang ang Senate Bill 1233 o ang Coconut Farmers and Industry Development Act sa priority legislative measures na isinulong ni President Rodrigo Duterte sa State of the Nation Address.

Ang panukala ay kabilang din sa ‘pet bills’ ni Villar upang matugunan ang sustainable development ng coconut industry dahil ito ang may pinakamataas na potensiyal sa pag-unlad sa pamamagitan ng productivity enhancement, diversification at industry value-adding.

Iginiit ni Villar na kailangan ang mga pagbabago dahil ang Pilipinas ang may pinakamababang produksyon ng niyog sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) countries. Mayroon lamang itong 4.4 metric tons kumpara sa 9.6 MT ng Vietnam, 5 MT ng Thailand, at 6.5 MT ng Indonesia.

Sa interpellations ng panukala, naghain si Villar ng mga pagbabago na kanyang nakalap sa pakikipag-usap sa industry stakeholders. Kabilang dito ang probisyon na mangangalaga sa coconut levy funds upang maging available ang kikitain nito at mabigyan ng suporta sa pangkabuhayan ng maliliit na magsasaka ng niyog.

Isinulong din ni Villar ang probisyon kung saan ang trust fund ay dapat ininvest lamang sa Pilipinas para matiyak ang kaligtasan at balik nito.

“In terms of the deployment of the trust fund for investment purposes, I strongly feel that as a business woman, investing in stocks, commodities, futures and options would be very risky for a trust fund that is endowed with public interest, even where the services of fund managers are engaged,” sabi pa ni Villar.

Isinulong din niya ang paglalaan ng kinita o kinita sa interes sa mga sumusunod na programa: Shared facilities program, 35%; b. Scholarship program, 15%; c. Empowerment ng coconut farmer organizations at kanilang mga kooperatiba, 15%; at d. Farm improvements (to encourage self-sufficiency), 35%.

Naghahain din ang Nacionalista Party senator ng mga pagbabago upang tiyakin
ang taunang appropriation sa General Appropriations Act ng Philippine Coconut Authority (PCA) para pondohan ang mga programa sa pagsulong ng industriya ng niyog.

Itinatakda sa binagong probisyon na may mandated appropriation na hindi pababa sa P10 billion ang PCA upang madagdagan ang kita ng coconut farmers at development fund at suportahan ang developmental activities ng PCA.

Ang naturang halaga ay ilalaan sa mga sumusunod: a. Infrastructure program (farm-to-market roads), 20%; b. Planting and replanting, 20%; c. Intercropping, 10%; d. Shared facilities, 20%; e. Research and development, 10%; f. Fertilization, 5%; g. New products and marketing, 5%; at h. Credit through Landbank and Development Bank of the Philippines, 10%.

Idinagdag din ni Villar na ang mga pagbabago sa panukala ay magsusulong sa propagation ng hybrid coconut seedlings sa pagkakaroon ng 150 nuts kada taon kada puno; intensive effort sa inter-cropping ng alternative farm crops gaya ng cacao, coffee at banana; livestock raising at ang pagtatatag ng Coconut Industry Farm Schools sa bawat coconut producing province para suportahan at palawigin ang trained human resource pool ng coconut farmers ng PCA at ng Technical Education and Skills Development Authority.

“We are very hopeful that with these safeguards and reforms in place, we can finally see the day when poverty incidence is no longer the highest among our coconut farmers,” pahayag pa ni Villar.

“We remain true to our commitment to improve the lives of our coconut farmers. Our commitment is to pass carefully-crafted laws that will benefit coconut farmers in the long term,” dagdag pa niya.

Ang Senate bicam panel ay pinamumunuan ni Villar. Ang mga miyembro nito ay sina Senate President Pro Tempore Ralph Recto, Senators Francis Pangilinan, Francis Escudero at Joseph Victor Ejercito.

Ang House of Representatives panel ay binubuo nina Representatives Sharon Garin, Jose Panganiban, Jericho Nograles, Celso Lobregat, Manuel Sagarbarria, Edcel Lagman, Evelina Escudero, Angelina Helen Tan, Conrado Estrella III, at Cecilia Leonila Chavez. Ernie Reyes