Coco, nag-shoot sa Pista ng Quiapo, hindi nakilala!

Coco, nag-shoot sa Pista ng Quiapo, hindi nakilala!

January 11, 2023 @ 6:45 AM 3 weeks ago


Manila, Philippines – Talagang inabangan ng buong produksyon ng FPJ’s Batang Quiapo ang pista ng itim na Nazareno nitong January 9 sa Quiapo Church.

Itinaon nila ‘yon sa unang taping day ng followup serye ni Coco Martin pagkatapos ng matagumpay na Ang Probinsyano.

Ang BQ ay mula sa direksyon ni Malu Sevilla.

Ayon sa kuwento, madilim pa lang ng bisperas ng pista’y naroon na ang crew at involved na ang mga bituin sa serye.

Bago gumiling ang camera’y nag-alay muna ng dasal ang produksyon sa ikatatagumpay ng first taping day.

Nakihalo na rin sila sa misa sa labas ng simbahan.

Incognito si Coco na naka-bucket hat, itim na face mask at nakasuot ng maroon na t-shirt ng Nazareno.

Maging ang aktor ay nakihagis din ng panyo at tuwalya bilang tradisyon ng mga deboto.

Maraming handheld camera ang nakapuwesto para makunan ang iba’t ibang anggulo.

Nagpadagdag din si Coco ng ilang shots.

Awa naman daw ng Diyos ay na-capture ang mga tagpo sa pista tulad ng mga kalat-kalat na debotong nasa gilid ng simbahan o nakahiga sa kalsada sa pag-aabang ng imahe ng Black Nazarene.

Inabutan na raw sila ng umaga dahil may kinunan pang ati-atihan sa mga maliliit na kalye.

Kulang man daw sa tulog ang produksyon ay sulit naman daw ang pagod nila dahil maayos nilang nairaos ang unang araw ng taping.

Sa January 30 na magsisimulang umere ang BQ, kasama sina Lovi Poe, Charo Santos at marami pang iba.

Tiyak na sa pilot episode nito’y mapapanood ang mga kaganapan sa pista.

By the way, kilalang deboto ng itim na Nazareno si Coco.

Self-confessed devotee rin si Angeline Quinto na nais makasal sa nobyong si Nonrev Daquina sa Quiapo Church ngayong 2023. Ronnie Carrasco III