CODE strategy sinimulan na ng DOH-CALABARZON

CODE strategy sinimulan na ng DOH-CALABARZON

August 21, 2020 @ 3:38 PM 6 months ago

  •  
  •  
  •  

Manila, Philippines – Sinimulan na ng Department of Health (DOH) – CALABARZON (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon) ang pagpapatupad ng “Coordinated Operations to Defeat Epidemic” o CODE strategy sa 30 barangays na may kumpirmadong may mataas na aktibong mga kaso ng COVID-19 sa rehiyon.

Ayon kay Regional Director Eduardo C. Janairo, sa ilalim ng CODE COVID-19, ang bawat barangay ay mahigpit na susubaybayan at titiyakin ang kanilang pag-access sa mga isolation facility kasama ang birthing facility, laboratory at dialysis center.

Ang bilang ng mga manggagawa sa bawat barangay ay isasaalang-alang din kasama ang pagkakaroon at tulong ng Barangay Health Emergency Response Team (BHERT) at Philippine National Police.

“Once these are all in place, we will begin the massive swab testing immediately sa identified barangays. Magkakaroon tayo ng active case finding at magha-house-to-house tayo to check kung mayroong mga taong may COVID symptoms sa kanilang mga bahay. Kapag mayroong nagpositibo na miyembro ng isang pamilya ay kailangang i-lockdown ang bahay at walang palalabasin upang hindi makahawa pa ng iba. We will isolate residence who are positive with COVID-19 including their close contacts,” pahayag ni Janairo.

Dagdag pa ni Janairo, libre ang swab testing para sa mga residente ng mga matutukoy na barangay.

Ang CODE strategy ay ang mahigpit na pakikipag-ugnayan sa pagitan ng mga kinatawan ng DOH, mga local na unit ng gobyerno at mga komunidad upang matiyak na ang mga komunidad ay maayos na nakahanda sa pagbabalik ng generel community quarantine o GCQ.

“Dito ay magpo-focus tayo sa barangay level and we will address it through a more stringent enforcement of health protocols including localized lockdowns, curfews, staying at home and lesser social interactions to prevent the spread and transmission of the virus.”

Kahapon, nakapagtala ng 15,292 COVID-19 kaso sa CALABARZON at 10,086 active cases. Mayroon namang 4,789 recoveries at 420 deaths ang iniulat.

Sa limang probinsya, ang Laguna ang may pinakamaraming naitalang kaso na may 5,857 na sinundan ng Cavite na may 3,492 at Rizal na may 2,922 kaso habang mayroon namang 2,263 sa Batangas at 761 sa Quezon.

“Ugaliin natin ang pagsusuot ng face mask ‘pag lumalabas ng bahay at sanayin na natin ang ating sarili sa pagsunod sa mga minimum health standard gaya ng social distancing. Huwag nang lumabas ng bahay kung hindi naman kinakailangan. We may have to restrict our movements but this can help keep ourselves and our loved ones safe and secure,” paalala pa ni Janairo sa publiko. Jocelyn Tabangcura-Domenden


  •  
  •  
  •