Colanggo saksi pa rin vs De Lima

Colanggo saksi pa rin vs De Lima

November 7, 2022 @ 6:25 PM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Inihayag ng convicted drug dealer na si Herbert Colanggo nitong Lunes, Nobyembre 7 na saksi pa rin siya ng pamahalaan sa drug charges na inihain laban kay dating senador Leila de Lima.

“Opo, opo, opo,” sagot ni Colanggo nang tanungin kung tetestigo pa rin siya laban sa dating senador.

Sa kabila nito, hindi na nito naidetalye pa ang sagot makaraang ipasok na ng mga tauhan ng Bureau of Corrections (BuCor) sa loob ng sinasakyan nito.

Ngayong araw ay dinala si Colanggo sa Muntinlupa Regional Trial Court para sa pagdinig kay De Lima.

Hindi naman malinaw kung ano ang kanyang layunin ng pagpunta sa korte.

Sa kabila nito, matatandaan na kinansela ang pagdinig makaraang malaman na nagpositibo sa COVID-19 si De Lima.

Kaiba kay Colanggo, nauna nang binawi ni dating Bureau of Corrections officer-in-charge Rafael Ragos ang testimonya niya laban sa dating senador at sinabing pinilit lamang siya ni dating Justice Secretary Vitaliano Aguirre.

Itinanggi naman ni Aguirre ang paratang ni Ragos. RNT/JGC