College student na dinukot ng kaklase, nailigtas ng mga pulis

College student na dinukot ng kaklase, nailigtas ng mga pulis

August 6, 2018 @ 11:08 AM 4 years ago


 

Manila, Philippines – Nailigtas na ang 19-anyos na college student mula sa mga kaklase nitong umano’y dumukot sa kaniya at humingi ng P30 million ransom, ayon sa mga awtoridad ngayong Lunes (August 6).

Dinukot ang biktimang si alyas ‘Roy’ sa loob ng dalawang araw kung saan ang kaniyang mata at ilong ay tinakpan ng packing tape.

Ayon kay Movement for Restoration for Peace and Order chairman Ka Kuen Chua, binigyan lamang ito ng kaunting tubig habang nasa kamay ng mga suspek.

Sinabi naman ng mga pulis sa Anti-Kidnapping Group na ito ang unang pagkakataon na nakahawak sila kaso ng kidnapping na ang suspek ay kabataan. Apat na suspek ang ‘subjected to inquest proceedings’ habang ang panglima naman ay magiging state witness.

“Dapat makulong ang mga yan para hindi hindi maraming bibiktimahin, biro mo bata pa sila, mga 19 years old, nag-iisip na ng ganyan. Marami pang bibiktimahin ang mga ‘yan,” sabi ng tatay ng biktima.

Papauwi na ng bahay mula sa eskuwelahan noong Miyerkules ang biktima kasama ang isang kaklase, Jhulius Atabay, nang tangayin sila ng tatlong lalaki at sinakay sa loob ng van, ayon sa AKG.

Kuwento ni Roy, tinutukan siya ng baril ng mga suspek, tinali ang kaniyang kamay at nilagyan ng packing tape ang kaniyang bibig na hindi nila ginawa kay Atabay. Kalaunan, pinakawalan din nila si Atabay.

Ayon sa tatay ng biktima, hindi nila makontak ang kaniyang anak hanggang makatanggap sila ng tawag mula kay Atabay.

Sinabi ni Atabay sa kaniya ang tungkol sa kidnapping at sinabing ang mga suspek ay nanghihingi ng P30 million ransom.

Nakipagtulungan si Atabay sa kidnapping at nagboluntaryo ring dalhin ang ransom sa mga kidnapper, ayon sa tatay ng biktima na sa puntong iyon ay tumawag na ng tulong sa pulis.

Sinabi ng AKG na sinundan nila si Atabay na pumunta sa bahay kung saan naroroon ang mga kidnappers at si Roy.

Dito inaresto ng operatiba si Atabay at apat pang suspek sa bahay. Anim pang kasabwat ang nakatakas at patuloy na pinaghahanap ng mga pulis.

Depensa naman ng mga supek, hawak nila ang biktima bilang parte ng ‘initiation rites’.

Samantala, sinabi naman ni Chua na ang kidnapping ay malinis na naplano.

“If it’s an initiation there should be no demand of money from the family. Since there is a demand for ransom payment, this is a positive kidnapping case,” sabi niya.

“I hope the government will take this seriously, pag-aralan mabuti, ipunin ang evidence and file a tight case against them para ma-avoid na maulit ito sa ibang estudyante.” Remate News Team