College student nasermonan, lumayas, lumutang sa ilog

College student nasermonan, lumayas, lumutang sa ilog

August 22, 2022 @ 11:25 AM 1 month ago


Bulacan- Kalunos-lunos ang sinapit ng isang dalagang nakagalitan at naglayas matapos na matagpuang palutang-lutang sa ilog sa bayan ng Marilao.

Kinilala ng mga awtoridad ang biktima na itago sa pangalang “MJ”, 1st year college student at residente ng Brgy. Saog.

Sa report ng pulisya, nadiskubre ang bangkay bandang 8:00 ng umaga nitong Sabado, Agosto 20, sa Marilao Meycauayan Obando river sakop ng Brgy. Nagbalon.

Ayon sa report, una nang nag-ulat sa pulisya bandang 11:30 ng gabi nitong Biyernes, Agosto 19, ang isang ginang na lumayas ang kanyang anak na kanyang nakasagutan gabi ng Huwebes, Agosto 18.

Sa hindi inaasahang pagkakataon, bandang 9:00 ng umaga ng Sabado, isang tawag ang natanggap ng pulisya na may natagpuang bangkay sa naturang ilog.

Agad tumulak ang mga pulis sa lugar para beripikahin ang naturang impormasyon hanggang sa tumambad sa kanila ang bangkay na tumugma ang damit na suot ng babaeng nawawala.

Dahil dito, ipinagbigay-alam sa pamilya ang naturang impormasyon at nang dumating ang ina ay kinumpirma na ito ang kanyang anak.

Lumabas sa inisyal na imbestigasyon, ang biktima ay nagtatangka umanong magpakamatay tuwing napapagalitan ng magulang. Dick Mirasol III