College student, siniraan si Prophet Muhammad, sinunog nang buhay

College student, siniraan si Prophet Muhammad, sinunog nang buhay

May 13, 2022 @ 5:51 PM 2 weeks ago


NIGERIA – Sinunog nang buhay ng mga kapwa niya estudyante sa isang kolehiyo ang isang babae makaraang siraan nito si Propeta Muhammad sa group chat sa WhatApp ngayong araw.

Kinilala ang biktima na si Deborah Samuel, second year sa Shehu Shagari College of Education sa Sokoto state.

Naaresto naman ang dalawa sa mga lalaking sumunog kay Samuel at isinara na ang nasabing eskwela para mapigilan ang iba pang kaguluhan, sakitan at patayan.

Napag-alamang may mga nagtsa-chat ukol sa relihiyong Islam at nakisali si Samuel na naglabas ng mga anti-Islam at kontra kay Propetang Muhammad.

Dahil pare-pareho silang nasa eskwela, biglang hinanap ng mga nasaktan na Muslim na estudyante si Samuel at nahanap ito sa isang kwarto na pinagtaguan sa kanya ng ibang mga estudyante at mga guro.

Ipinagtanggol ng mga guro si Samuel subalit hindi nakayanan ng mga ito ang dami ng mga estudyante na sumugod upang patayin at sunugin siya.

Makaraang makita ang biktima, agad na siyang kinuyog, pinagbabato at pinagpapalo ng dos-por-dos at nang matumba ito, kumuha ang mga pumatay sa kanya ng mga gulong saka sinilaban.

Nadamay na ring masunog ang gusali na pinangyarihan ng krimen.

Pinaiimbestigahan na ni Sokoto Governor Aminu Tambuwal ang pangyayari. RNT