COLORUM, TALAMAK SA RODRIGUEZ, RIZAL

COLORUM, TALAMAK SA RODRIGUEZ, RIZAL

January 16, 2023 @ 10:28 AM 2 weeks ago


KALAMPAGIN natin ang pamunuan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board kaugnay sa mga naglipanang colorum na jeep at UV Express sa Rodriguez, Rizal.

Isang transport goup ang nanawagan sa LTFRB na aksyunan ang nagkalat na colorum na mga sasakyang bumibiyahe sa Rodriguez, Rizal dahil lubha itong nakaaapekto sa kanilang mga bumibiyahe ng ligal.

Ang Common Transport Cooperative Service na lehitimong may prangkisa sa LTFRB at may rutang Rizal- Commonwealth via Litex ay nagsabing masyado na silang nasasagasaan ng mga colorum na rumuruta sa kanilang lugar .

Sabi ng grupo kay LTFRB Chairman Teofilo Guadiz III, bigyan sana ng pansin ang kanilang reklamo kaugnay sa mga naglipanang mga sasakyan na bumibiyahe gayung wala namang kaukulang permit mula sa LTFRB.

Iginiit pa ng grupo, matagal na nilang sakit ng ulo ang mga colorum at dapat sana ay hindi sila tangkilikin ng mga mananakat dahil walang kasiguruhan ang kanilang kaligtasan sa mga colorum na ito.

Aba, delikado kaya lalo na kapag may disgrasyang mangyari dahil walang puwedeng maasahang tulong ang mga magiging biktima.

Napag-alaman umano ng transport group na CTCS na sa loob ng tanggapan ng LTFRB ay may nag -iisyu ng permit / provisional authority sa PM JEEPNEY AT FEJODAP kahit wala silang prangkisa at ruta.

Bukod pa rito, walang basehan ang pagbibigay ng PA sa mga nabanggit na transport organization.
Maliban dito ay paso na ang PA na hawak ng dalawang nabanggit na transport organization ngunit patuloy itong nakabibiyahe sa nabanggit na ruta.

Nabatid din na ang LTFRB ay nag isyu ng PA sa Comet Transport Cooperative na may bisang 90 days bilang UV EXpress sa rutang San Rafael, Rodriguez, Rizal- Cubao via Payatas Kalayaan para sa labing limang unit , subalit ang Comet Transport ay may terminal sa Manila Hills na nasasakop ng Brgy San Jose papuntang Cubao.

Bukod dito ang mga sasakyan ng Comet ay nagsasakay ng pasahero at namamasada na isang paglabag sa MC 2019 -025 na nagsasabing ang UV Express ay istriktong mag- operate ng terminal to terminal basis without loading and unloading in between origin and destination subalit ito ay hindi nasusunod bagkus ito ay nilalabag.

Isang malakas na sigaw nga sa LTFRB, Hoy! Umaksyon naman kayo. Dapat maging parehas kayo sa mga nagpapatulo ng pawis sa ligal na paraan.

—000—000—000—

Para sa inyong mga komento o sumbong, maaari po kayong tumawag o mag text sa ating 1-Ang Edukasyon Party-list Hotline: 0927.930.25.81 at makaka asa po kayo sa agarang tugon ng inyong mga mensahe.