Combat pay ng sundalo, itataas ng Senado

Combat pay ng sundalo, itataas ng Senado

July 29, 2018 @ 2:20 PM 5 years ago


 

 

Manila, Philippines – Itataas ng Senado ang combat duty pay ng lahat miyembro ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sakaling maisabatas ang panukala na inihain kamakailan ni Senador Antonio Trillanes IV.

Ayon kay Trillanes, dating opisyal ng Philippine Navy, “maliban sa pagkilala sa mahalagang papel na ginagampanan ng ating mga sundalo sa pagprotekta sa bansa laban sa panlabas at panloob na bantang seguridad, layunin natin na magkaroon ng propesyunalismo sa AFP bilang isang organisasyon sa pamamagitan ng pagbibigay ng personal na benepisyo katumbas ng kanilang ranggo at kung ano ang kanilang ginagawa.”

 Nakatakda ang panukala sa ilalim ng Senate Bill No. 1882 na naglalayong itaas ang combat duty pay ng mga opisyal at enlisted personnel ng AFP.

“Itataas ang kasalukuyang halaga ng combat duty pay ng ating mga opisyal at enlisted personnelna kanilang tinatanggap nang hindi bababa sa 25% ng kanilang base pay,” ayon kay Trillanes.

Sinabi ni Trillanes na pangunahing layunin din ng panukala na ipantay ang pamamamahagi ng benipisyo sa lahat at itaas ang moralidad ng ground troops na palaging agrabiyado sa mga Navy at Air Force na tumanggap nang malaki kaysa sa mga Army at Marines.

“Tumatatanggap ng katumbas sa 50% at 25% ang Air force at Navy sa kanilang combat duty flying pay at sea duty ayon sa pagkakasunod-sunod,” giit ni Trillanes. Ernie Reyes