Combat pay ng sundalo ‘masyadong maliit’, pinatataasan ni Tulfo

Combat pay ng sundalo ‘masyadong maliit’, pinatataasan ni Tulfo

January 18, 2023 @ 6:25 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Masyadong maliit ang halagang P300 kada buwan kaya’t inihain ni Senador Raffy Tulfo na itaas ang combat pay ng bawat sundalo bukod sa pagpapalawak ng kanilang allowance.

Sa pahayag, sinabi ni Tulfo sa ginanap na pagdinig hinggil sa naturang isyu nitong nakaraan na masyadong mababa ang halagang P300 combat pay kada buwan ng sundalo na tatagal lamang ng sampung araw.

“‘Yung P300 a day, for me, napakaliit ata nu’n. Hindi ata patas ‘yan compare sa kanyang mga kapatid sa different branch of service,” panukala ng Senador sa ginanap na pagdinig ng Senate Committee on National Defense and Security, Peace, Unification, and Reconciliation nitong Martes, Enero 17.

“Baka naman pwede nating madagdagan itong P300 [at] pwede sigurong ma-extend na habang siya’y nasa field. Kung siya ay isang buwan nasa field nakikipagbakbakan, dapat isang buwan pumapatak ‘yung metro ng kanyang combat pay,” aniya.

Sa kanyang pahayag, sinabi ni Armed Forces of the Philippines (AFP) chief-of-staff General Andres Centino na pantay-pantay ang pagtrato ng militar sa bawat sundalo pero katanggap-tangap naman umano ang rekomendasyon ni Tulfo.

“The initiative of the good senator is a very welcome move, and we will be grateful if this initiative will be passed into a law,” ani Centino.

Tinatalakay ng komite na pinamumunuan ni Senador Jinggoy Estrada ang panukalang amendahan ang Republic Act No. 11907, o ang Strengthening Professionalism in the AFP. Ernie Reyes