Comelec 90% nang handa para sa BSKE election – spox

Comelec 90% nang handa para sa BSKE election – spox

February 21, 2023 @ 6:20 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Inihayag ng Commission on Elections (Comelec) na ito ay 90 porsyento nang handa para magdaos ng Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa Oktubre 30, ayon kay Comelec spokesperson Rex Laudiangco.

Base kay Laudiangco, mahigit 90 porsyento nang handa ang poll body at idinagdag na nasa 60 milyon ng 66 milyong balota para sa barangay elections at 20 milyon ng 23 milyong balota para sa SK elections ang naimporenta na.

Bukod dito, sinabi ni Laudiangco na handa na rin para sa botohan ang mga gagamiting materyales gaya ng pens, indelible inks, folders at accountable forms.

Samantala, hinihintay pa aniya ang desisyon ng Korte Suprema sa apela laban sa October 30 schedule ng 2023 BSKE matapos maghain ng petisyon si veteran election lawyer Romulo Macalintal noong Nov. 2022.

Ang apela ni Macalintal ay ginawa sa kanyang urgent motion na humihiling sa Mataas na Hukuman na maglabas ng Temporary Restraining Order o Status Quo Ante Order sa pagpapatupad ng batas na nagpapaliban sa barangay at youth council polls sa Disyembre 5 sa Oktubre 2023.

Ayon kay Laudiangco, handa na ang Comelec na magdaos ng halalan kahit sa Mayo dahil ang mga kinakailangan balota ay inaasahang matatapos na ngayopg February. Jocelyn Tabangcura-Domenden