Comelec: Brownout sa remote areas, election concern pa rin

Comelec: Brownout sa remote areas, election concern pa rin

January 23, 2023 @ 12:40 PM 4 days ago


MANILA, Philippines- Itunuturing pa ring election concern ang problema sa kuryente sa malalayong lugar tulad sa Sulu, ayon kay Commission on Elections (Comelec) Chairman George Garcia noong Linggo.

Inihayag ito ng Comelec chief nang mawalan ng kuryente sa tanggapan ng Sulu provincial election supervisor habang nakikipagpulong sa local election officers sa lalawigan.

“Sadyang concern ito,” sabi ni Garcia.

Ayon kay Garcia, hindi dapat mangyari ito dahil mas mainit na labanan ang inaasahan kapag eleksyong lokal tulad ng barangay election.

Ipinaliwanag din ni Garcia na isinasali nila ang suplay ng kuryente ng isang lugar sa kanilang mga desisyon kung aling teknolohiya ang gagamitin para sa darating na halalan.

Sinabi pa ng poll body na ang liderato ng Comelec ay bumibisita sa mga local offices upang makakuha ng impormasyon sa mga nasa field upang sila ay makapagdesisyon nang maayos sa mga usaping ito.

Samantala, sinabi ng Comelec chair na inatasan nila ang mga local election officers sa Sulu na panatilihin na mapayapa at maayos ang halalan sa lalawigan.

Sinabi niya na ang nakalipas na dalawang halalan sa lalawigan ay naging matagumpay, na may 89 porsyentong voter turnout.

Kasama ni Garcia at Commissioner Nelson Celis at ilang matataas na opisyal ng komisyon na bumisita sa Tawi-Tawi at Sulu nitong weekend upang tignan ang estado ng voter registration sa malalayong probinsya at matingnan ang kapakanan ng kanilang local Comelec officers. Jocelyn Tabangcura-Domenden