Comelec Comm. Garcia, pabor sa istriktong akreditasyon ng mga party-list group

Comelec Comm. Garcia, pabor sa istriktong akreditasyon ng mga party-list group

March 30, 2022 @ 5:15 PM 3 months ago


MANILA, Philippines – Inihayag ng Commission on Elections (Comelec) Commissioner George Garcia nitong Miyerkules, Marso 30, na dapat magkaroon ng istriktong accreditation process para sa mga party-list group upang maiwasang maabuso ang sistema.

“Siyempre ako rin, personally, kahit na nagpa-practice ako, ‘yan nga po yung isang adbokasiya ko na sana nga maging mahigpit na rin tayo sa pag-accredit ng party-list,” giit ni Garcia, isang dating election lawyer.

Ang komento ay kasunod ng mga alegasyong ilang pulitiko ang bumibili ng party-list para magkaroon ng tiyansang makakuha ng pwesto sa House of Representatives.

Binigyang-diin ni Garcia na nagpapatupad lang ang Comelec ng mga probisyon ng Republic Act 7941 o ang Party-List System Act gayundin ng Konstitusyon pagdating sa usapin.

Aniya, kung maaamyendahan ang mga batas na ito, dapat na matukoy ang mga sector na nangangailangan ng representasyon sa Kongreso.

Punto niya, maging ang mga bilyonaryo kasi ay pinapayagang kumatawan sa mahihirap sa ilalim ng party-list system.

Dahil dito, pinaalalahanan ni Garcia ang mga botante na pumili ng mga party-list na tunay na kumakatawan sa kanilang sector, nagpo-protekta sa kanilang interes at nananatili sa isang adbokasiya.

Samantala, kaugnay naman ng umano’y pagkakasangkot ng Comelec sa pagbebenta ng party-list sa mga pulitiko, sinabi ni Garcia na walang ebidensyang magpapatunay rito.

“Wala pa po akong ebidensya kasi tungkol sa bagay na ‘yan. Naniniwala pa rin ako sa integridad ng Comelec,” aniya.

Dagdag pa ni Garcia, kung meron man aniyang ‘loopholes’ sa batas, ito ay ang kawalan ng kapangyarihan ng poll body laban sa panloob na desisyon ng isang party-list na biglaang magpalit ng mga board at miyembro. RNT/ JCM