Comelec Comm. Guanzon inireklamo ng ex-PNP general

Comelec Comm. Guanzon inireklamo ng ex-PNP general

July 6, 2020 @ 6:21 PM 1 month ago

  •  
  •  
  •  

Manila, Philippines – Inireklamo ng isang dating police general sa himpilan ng pulisya si Commission on Elections Commissioner Rowena Guanzon sa umano’y abusado nitong pagtrato sa ilang security guard sa Bacolod City.

Ayon kay Ret. PNP General Larry Decena, presidente ng Homeowners Association ng Gold Crest Subdivision, nagpumilit umanong pumasok si Guanzon sa nasabing subdibisyon para dalawin ang kanyang kapatid, subalit hindi ito pinapasok ng guwardya dahil sa umano’y expired na sticker nito.

Nanindigan umano ang gwardiya na kailangan munang mag-secure ng car pass ng opisyal para payagan itong makapasok sa naturang subdibisyon.

Ikinagalit ito ni Guanzon kaya pinagsisigawan at pinagmumura umano niya ang naka-duty na gwardiya saka siya nagpakilala na komisyuner ng Comelec.

Dahil sa pagpupumilit ng opisyal na makapasok, minabuti ng gwardiya na tawagin ang presidente ng homeowners association para mamagitan at maayos ang ‘di pagkakaintindihan.

Nang dumating si Decena, nagpakilala ito bilang heneral na handang mamagitan sa anumang gusot sa kanilang subdibisyon datapwat ‘di agad siya nagpakilala bilang presidente ng homeowners.

Nabatid na umalis si Guanzon at nang bumalik pagkaraan ng kalahating oras, may kasama na itong mga pulis saka muling pinagmumura at pinagbantaan ang mga guwardiya na kakasuhan.

Kapwa dumulog sa Bacolod Police Station 3 ang dalawang kampo at sabay na nagpa-blotter.

Sa istasyon ng pulisya, dumating ang ilang opisyal ng asosasyon upang magbigay rin ng kanilang suporta kay Decena kaugnay sa nangyaring insidente na kinasangkutan ni Guanzon.

Sinabi ni Decena na nakahanda itong harapin ang anomang kasong isinampa ni Guanzon laban sa kanila. RNT


  •  
  •  
  •  

Loading...