Comelec: Dagdag-pondo kailangan sa pagpapaliban sa BSKE

Comelec: Dagdag-pondo kailangan sa pagpapaliban sa BSKE

September 21, 2022 @ 6:50 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines- Kailangan ng karagdagang pondo kung ipagpapaliban ang Barangay at Sangguniang Kabataan elections (BSKE), ayon sa Commission on Elections o Comelec ngayong Miyerkules.

Sa public briefing, ipinaliwanag ni Comelec spokesperson John Rex Laudiangco na ang pagpapaliban sa botohan ay mangangahulugan ng pagpapalawig ng voter registration period, dahil magkakaroon ng pagtaas sa bilang ng mga rehistrado.

Dahil dito, mas maraming rehistradong botante ang mangangailangan ng mas maraming presinto, suplay, at kawani.

Paliwanag ni Laudiangco, kapag ipinagpaliban ang halalan ay magtutuloy naman ang voter registration pagkalabas na pagkalabas ng bagong batas.

“Dadami po ang ating botante at habang dumadami ang ating botante, kailangan namin damihan ang presinto,” sabi ni Laudiangco.

Nitong Martes, ipinasa ng House of Representatives sa ikatlo at pinal na pagbasa ang House Bill 4673, na naglalayong ilipat ang barangay at SK elections mula Disyembre 5 ngayong taon hanggang Disyembre 4, 2023.

Sinabi ni Laudiangco na kapag naisabatas na ang panukalang batas, kakailanganin ng Comelec na magtatag ng hindi bababa sa 33,000 higit pang mga presinto sa itaas ng umiiral na 207,000, dahil nakikita nito na ang mga botante sa halalan sa barangay ay tumaas sa humigit-kumulang 70 milyon hanggang 73 milyon, habang ang mga botante ng SK ay lolobo mula sa kasalukuyang 24 milyon sa 31 milyon.

Dahil dito, dadami aniya ang electoral boards, DepEd (Department of Education) supervising officers, support staff, supply kaya humihingi ang Comelec ng karagdagang pondo .

Sakali naman na hindi matuloy ang planong postponment ay handa naman ang Comelec para isagawa ang halalan.

Mula sa pag-imprenta ng mga balota hanggang sa pagbili ng mga suplay, sinabi ng tagapagsalita ng Comelec na nakaplano na ang mga kinakailangang paghahanda.

Sa unang bahagi ng buwang ito, sinabi ni Comelec chairperson George Garcia na “all out” na ang paghahanda para sa halalan sakaling wala nang rescheduling.

Tiniyak din niya na walang masasayang sakaling ipagpaliban ang botohan. Jocelyn Tabangcura-Domenden