COMELEC ‘DI DAPAT PIKON

COMELEC ‘DI DAPAT PIKON

April 27, 2022 @ 3:40 PM 2 months ago


PATULOY na umaani ng kaliwa’t kanang batikos ang pananakot umano ni Comelec Commissioner Rey Bulay na ipapadala raw niya ang militar para arestuhin ang sinomang nagpapaka­lat ng maling balitang nagpapababa naman sa integridad ng COMELEC na magsagawa ng mapayapa,matiwasay at maasahang eleksyong walang bahid ng anomang kontrobersiya.

Batay sa pahayag ng ilang kilalang personalidad, napapaloob nga naman sa Konstitusyon ang karapatan ng bawat isa na ihayag ang saloobin nito kaugnay sa panawagan na marapat ipatupad ng ahensya ang nalalapit na halalan nang walang kahit katiting na iskandalo.

Batid ng sambayanan na ang pagkuwestiyon ng Alumni Association ng Asian Institute of Management sa kakayahan ng Comelec na makapagsagawa ng mapagkakatiwalaang halalan sa Mayo ay hindi upang sirain ito sa mata ng publiko kundi pagpapaalala na bantayan nito ang gaganaping eleksyon laban sa anomang pandaraya.

Masisisi ba ng Comelec ang pambabatikos ng taumbayan samantalang mismong si dating Senador at Presidential frontrunner Ferdinand”Bongbong”Marcos Jr. ay biktima umano ng dayaan noong 2016 elections kung saan nadiskubre na may mga pre-shaded na balota ng kanyang kalaban sa ilang lugar sa bansa, kabilang na ang Bicol?

Bubusalan na lang ba ng ahensya ang bunganga ng taumbayan kontra sa reklamo na posibleng mangyari ulit ang kababalaghan noong nakaraang halalan kabilang ang alingasngas sa Smartmatic kung saan kayang pakialaman ng ilang bayarang ekspertong IT?

Nakalimutan siguro ni Commissioner Bulay ang karapatan ng mamamayang Pilipino na ihayag ang saloobin nito kaugnay sa anomang kontrobersiyang nagaganap sa ahensyang layunin lang na maituwid ang maling nangyayari rito at hindi sirain sa mata ng publiko.

Hindi ba mas malaking problema kung kuwestiyunable ang ginanap na halalan kung saan posibleng mag-aklas ang nakararaming kababayang hindi kumbinsidong maaasahan nga ang Comelec na isagawa ito ng malinis?

Anomang puna o reaksyon, i-text sa 09999388537/email [email protected].