Comelec dumepensa sa maagang COC filing para sa BSKE

Comelec dumepensa sa maagang COC filing para sa BSKE

March 2, 2023 @ 7:50 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Nagpaliwanag ang Commission on Elections (Comelec) sa maagang paghahain ng Certificate of Candidacy o COC para sa 2023 Barangay at Sangguniang Kabataang Elections (BSKE).

Depensa ni Comelec Chairman George Erwin Garcia, layon ng maagang paghahain ng COC na maagang matanggap at maresolba ang mga kaso ng disqualification at walang kwenta o nuisance cases.

Ayon pa kay Garcia, lagi na lamang aniyang problema ng komisyon ang nababalam na disposisyon sa mga nagpapatong-patong na reklamo na may kaugnayan sa halalan.

Itinakda ng Comelec ang paghahain ng COC ng mga kandidato sa Hulyo ngunit kinuwestiyon ito ni Rep. Gus Tambunting ng Ikalawang Distrito ng Parañaque City.

Ayon sa mambabatas, makokompromiso ang integridad at kaligtasan ng proseso ng BSKE lalo na at magkakaroon ng mahabang election period na magiging banta sa kapayapaan at kaayusan ng mga barangay. Jocelyn Tabangcura-Domenden