Comelec hacking incident, pinatatalupan sa Kamara

Comelec hacking incident, pinatatalupan sa Kamara

January 12, 2022 @ 11:46 AM 7 months ago


MANILA, Philippines – Pinaiimbestigahan ng mga kongresista ang naganap na hacking sa server ng Commission on Elections (Comelec).

Isinulong ni Samar Rep. Edgar Mary Sarmiento sa Kamara na magsagawa ng oversight investigation kaugnay sa napaulat na hacking sa servers ng Commission on Elections (COMELEC).

Ipinaliwanag ng kongresista na ang Kongreso ay may oversight upang silipin ang pagpapatupad ng RA 8436 o Automated Election Law at alamin kung may banta ba ng manipulasyon at pandaraya sa automated election system.

Punto ng mambabatas, bagamat pinabulaanan na ng COMELEC ang ilan sa impormasyon na tinukoy sa ulat ng pahayagang Manila Bulletin tungkol sa hacking incident ay hindi naman tahasang nasagot ng poll body kung mayroong nga bang hacking o wala.

Hindi rin aniya ito ang unang pagkakataon na na-hack ang COMELEC dahil limang linggo bago ang 2016 elections, na-hack at nakopya ang nasa 55 million voter’s registration information sa tinaguriang “COMELEAKS”.

“There are only two reasons why this hacking incident could happen. One is, the Comelec has poor network security protocols and the second is, it is an inside job.  We should make sure if this hacking incident happened or not. We cannot just take the Comelec’s word for this. We need to know the basis of the story. If there was a hacking incident, we need to know if this is serious enough that the poll results can be manipulated electronically,” giit pa ni Sarmiento.

Kaugnay nito ay naghain naman ng House Resolution 2434 sina Bayan Muna Reps. Carlos Isagani Zarate, Eufemia Cullamat, at Ferdinand Gaite upang hikayatin ang House Committee on Suffrage and Electoral Reforms na imbestigahan “in aid of legislation” ang data breach sa server ng komisyon.

Nitong Enero 10, mismong ang Manila Bulletin ang nagreport ng umano’y hacking sa system ng COMELEC bagay na pinabulaanan naman ng ahensya at hindi pa ito nangyayari.

Magkagayunman, pinaiimbestigahan ang nasabing akusasyon ng data breach sa COMELEC dahil kung mapatunayang totoo ay seryosong usapin ito sa darating na May 2022 elections.

Malalagay anila sa alanganin ang kredibilidad ng halalan kung hindi ito agad maaaksyunan at maimbestigahan ng Kongreso. Meliza Maluntag