Comelec handa ‘pag pinaaga BSKE

Comelec handa ‘pag pinaaga BSKE

January 3, 2023 @ 7:20 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Nakahanda ang Commission on Elections (Comelec) na idaos ang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sakaling magdesisyon ang Korte Suprema na itakda ito sa mas maagang petsa, sinabi ni Comelec Chairman George Garcia nitong Martes.

Inihayag ito ni Garcia nang tanungin hinggil sa nakabinbing desisyon ng SC sa petisyon na kumukwestyon sa Republic Act 11935 na nagpapaliban sa December 2022 barangay polls sa October 2023.

“Under our worst case scenario, kung sabihin man na mas maaga dapat sa October ang ating eleksyon katulad ng aming sinabi, handa naman ang Comelec,” sinabi ni Garcia press conference.

Ayon pa kay Garcia, sinabi ni Comelec Commissioner Rey Bulay, ang commissioner-in-charge para sa BSKE, na lahat ng gagamitin para sa 2023 elections ay nai-deliver na bago pa man matapos ang taong 2022.

Pagtitiyak ng opisyal sa publiko, magpapatuloy ang pag-imprenta ng balita para sa BSKE bago matapos ang Enero o pagkatapos ng pag-imprenta ng balita para sa special election sa Cavite.

Umaasa naman si Garcia na ilalabas ng SC ang desisyon ngayong Enero.

Samantala, sinabi ni Garcia na hindi pa tinatalakay ng Comelec ang posibilidad na palawigin ang voter registration period pagkatapos ng Enero 31.

Inulit niya ang panawagan ng Comelec sa publiko na magparehistro bago ang deadline para maiwasan ang mahabang pila sa kanilang mga opisina. Jocelyn Tabangcura-Domenden