COMELEC HANDA SA BARANGAY, SK ELECTIONS SA DECEMBER 5

COMELEC HANDA SA BARANGAY, SK ELECTIONS SA DECEMBER 5

August 10, 2022 @ 5:29 PM 2 months ago


 SINABI ni Commission on Elections chairperson George Garcia na handa ang komisyon sa nalalapit na Barangay at Sangguniang Kabataan elections ngayong December 5, 2022 at sa apat na gagawing plebesito.

 Alinsunod sa mga pumasang batas sa nakaraang 18th Congress, ang mga plebesitong dapat pangunahan ng Comelec ay ang –

Ø  Ratipikasyon sa paglikha ng Barangay New Canaan mula sa bahagi ng Barangay Pag-asa na nasa Alabel, Sarangani ngayong darating na August 20;

Ø  Ratipikasyon ng pagiging component city ng Calaca sa lalawigan ng Batangas sa September 3;

Ø  Ratipikasyon sa paghahati ng Maguindanao sa dalawang hiwalay na lalawigan na magiging Maguindanao del Norte at Maguindanao del Sur sa September 17; at

Ø  Ratipikasyon sa pagsasama-sama ng twenty-eight (28) Barangays na maging isang Barangay na lamang sa darating na October 8.

 Sa plebesito, aalamin ng COMELEC kung sang-ayon o hindi sang-ayon ang mga residente sa mga aprubadong panukala sa kani-kanilang mga lugar.

 Ukol naman sa Barangay at SK elections, nais ng Komisyon na matuloy ang eleksyon katulad na rin ng kagustuhan ng maraming botante, at siniguro na patuloy na naghahanda ang COMELEC kahit pa may mga mambabatas na naghain ng panukala para sa pagpapaliban nito sa May 2024.

-ooOoo- 

SEN. PADILLA NAIS NA I-REGULARIZE ANG CASUAL AT CONTRACT EMPLOYEES

INIHAIN ni senator Robinhood Padilla ang Senate Bill No. 234 na magbibigay ng awtomatikong civil service eligibility sa mga casual o contractual personnel sa pamahalaan para sila ay maging mga permanente na kung sila ay nagtratrabaho na dito sa loob ng limang taon.

Para sa neophyte senator, napapanahon ng kilalanin ang paglilingkod ng mga casual at contractual personnel para tumaas ang kanilang suweldo, gumanda ang kanilang morale, at lalong maging masipag sa kani-kanilang mga responsibilidad.

Saklaw ng panukala ang casual o contractual employees na nasa first level career civil service positions na clerical. Trades, custodial services, non-professional o sub-professional work sa isang non-supervisory capacity.

Dapat na sila ay walang pending administrative case, hindi nahatulan by final judgment sa isang paglabag sa batas na may kinalaman sa moral turpitude, immoral conduct, dishonesty, inspection irregularity, pagkalulong sa alak at sa ipinagbabawal na gamot. 

Ayon sa datus ng CSC o ng Civil Service Commission ay mayroong 157,000 non-career o non-CSC eligible employees sa pamahalaan, mayroon ding 450,000 na job order, at 132,000 na contract of service. 

Sa ilalim ng kasalukuyang batas, ang isang empleyado ay hindi magiging regular kapag walang CSC eligibility kahit na kwalipikado ito sa antas ng edukasyon, kaalaman, may sapat na training at karanasan sa trabaho.