Comelec handa sa con-con

Comelec handa sa con-con

March 10, 2023 @ 8:10 AM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Sinabi ni Comelec Chairman George Garcia na handa ang poll body ang isabay ang con-con (constitutional convention) sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa Oktubre 30, kung maaprubahan ito ng mga mambabatas.

Gayunman, binanggit ni Garcia na ito ay nangangailangan ng dagdag na pondo na aabot sa P3.8 milyon para maikasa.

Ayon kay Garcia, ang pondo ay gagamitin para sa pag-imprenta ng dagdag na mga balota at mas malaking honoraria para sa mga magiging miyembro ng electoral board members.

“We are prepared. We are ready provided that there should be a law calling for the elections of the delegates for the constitutional convention by April so we will be able to print the 67 million ballots by May and June,” ayon kay Garcia.

Pero ayon kay Garcia, hindi na nila maisasama ang eleksyon ng mga nominee para sa constitutional convention at mangangailangan na ng hiwalay na balota dahil natapos na ang pag-imprenta ng 91 milyong balota para sa BSKE.

Nitong Lunes, bumoto ang mayorya ng Kamara pabor sa resolusyon sa mga panukalang ‘economic amendments’ sa 1987 Constitution. Ipinanukala rin na magkaroon ng con-con na magiging hybrid assembly ng 316 elected at appointed members nito. Jocelyn Tabangcura-Domenden