Comelec hinimok na maglagay ng isang kinatawan na dadalo sa mga padinig

Comelec hinimok na maglagay ng isang kinatawan na dadalo sa mga padinig

October 19, 2022 @ 2:35 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Hinimok ng Legal Network for Truthful Elections (LENTE) nitong Martes, Oktubre 18 ang Comission on Elections (Comelec) na magtalaga ng nag-iisang kinatawan na dadalo sa lahat ng legislative hearings.

Umaasa si LENTE Executive Director Ona Caritos na sa loob ng tatlo hanggang anim na taon ay mayroon nang permanenteng tao na siyang dadalo sa legislative hearings.

Sinabi ni Caritos na ito ay lalong mahalaga para sa mga pagdinig sa mga iminungkahing panukalang batas tulad ng mga pagbabago sa Omnibus Election Code o sa pagboto sa absentee sa ibang bansa.

“If there’s a permanent legislative person assigned by Comelec to attend these congressional hearings, then we could focus more on the passage of a new Omnibus Election Code, which would probably address our problems on vote-buying, misinformation, disinformation, our antiquated finance laws on spending… and we need to have a contribution limit,” saad ni Carlitos.

Samantala, sinabi rin nito na nais nilang magpatuloy ang Comelec Task Force Kontra Bigay at Task Force Kontra Fake News.

Sa kanyang panig, sinabi naman ni Comelec Chairman George Garcia na hinihirit nila na buhayin ang Comelec at ang Department of Justice joint panel para sa koordinasyon ng dalawang ahensya.

Nais din ni Garcia na muling tukuyin ang Section 261 ng Omnibus Election Code na tumatalakay sa pagbili ng boto.

Aniya panahon na para taasan ang penalty sa vote-buying kabilang na ang pagpaparusa sa mga politiko na mangunguna sa ganitong gawain.

Samantala, sinabi ni Garcia na sisilipin nila ang kontrata sa telecommunication companies upang tignan kung makakapagbibigay sila ng call detail records. Jocelyn Tabangcura-Domenden