Comelec kay Rosal: Opisina bakantehin na

Comelec kay Rosal: Opisina bakantehin na

November 29, 2022 @ 6:00 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Inatasan na ng Commission on Elections (Comelec) si Albay Governor Noel Rosal na bakantehin ang kanyang puwesto kasunod ng desisyon na umaayon sa kanyang diskwalipikasyon.

Sinabi ni Comelec spokesperson Rex Laudiangco na ang kautusan hinggil sa pag-iisyu ng writ of execution at ang actual writ of execution ay naisilbi sa kinauukulan dakong alas-10:30 ng umaga.

Nangangahulugan na idinideklara na ng Comelec at nag-uutos kay Rosal na bakantehin ang posisyon at ang kanyang opisina sa Albay.

Naatasan naman ang Department of Interior and Local government na ipatupad ang resolusyon at tanggalin si Rosal sa kanyang opisina.

“Under the orders of the Commission en banc, the Secretary of the Department pf the Interior and Local Government is directed to immediately implement the en banc resolution—disqualifying Noel Rosal,” ani Laudiangco.

Nauna nang naglabas ang Comelec ng certificate of finality at entry of judgement sa diskwalipikasyon ni Rosal.

Ito ay matapos na ibasura ng Comelec en banc ang kanyang motion for reconsideration at panindigan ang desisyon ng Comelec First Division na siya ay i-diskwalipika.

Gayunman, sinabi ni Laudingco na maari pang maghain ng petition for review on certiorari sa loob ng 30 araw si Rosal pero sa ngayon ay ipapatupad na nila ang desisyon ng Comelec. Jocelyn Tabangcura-Domenden