Comelec: Maagang mangangampanya parurusahan!

Comelec: Maagang mangangampanya parurusahan!

March 4, 2023 @ 11:50 AM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Nagbabala ang Commission on Elections na mahaharap sa matinding parusa ang mga lalabag na mga aspirante para sa Barangay at Sangguniang Kabataang Elections kasabay ng paalala na ipinagbabawal ang maagang pangangampanya o premature campaigning mula Hulyo 8 hanggang Oktubre 18.

“We will charge you and will surely disqualify you since you have already filed your Certificate of Candidacy (COC) and is engaging in premature campaigning, which is prohibited,” ani Comelec chairman George Garcia.

Ayon kay Garcia, kapag naghain na ng COC ay maikokonsidera nang kandidato kaya aniya ilalapat nila ng buong puwersa ang batas, ang Section 18 ng Omnibus Election Code (OEC) kung saan hindi maaring mag-ikot, mangampanya, magbigay ng anumang bagay.

Itinakda ang apat na araw na paghahain ng COC mula Hulyo 3 hanggang 7,2023.

Binanggit ni Garcia na ang pagtatakda ng maagang paghahain ng COC ay magbibigay-daan sa poll body na managot sa mga sangkot sa iligal na pangangampanya.

“This would be better as they have already filed their COC and are considered as candidates. Therefore, we can already file cases against them. We will disqualify you and file election offense cases against you,” sabi ni Garcia.

Nauna nang itinakda ng Comelec ang campaign period para sa botohan sa Oktubre 30 mula Oktubre 19 hanggang 28, habang ang election period ay mula Hulyo 3 hanggang Nob. 14.

Sa ilalim ng OEC, labag sa batas na makilahok sa election campaign o partisan political activity maliban sa panahon ng kampanya. Jocelyn Tabangcura-Domenden