Comelec, magpapasaklolo sa NBI, PNP vs fake news

Comelec, magpapasaklolo sa NBI, PNP vs fake news

April 4, 2022 @ 3:37 PM 3 months ago


MANILA, Philippines – Hihingi ng tulong ang Commission on Elections (Comelec) sa National Bureau of Investigation at sa Philippine National Police sa pagtugis sa mga nasa likod ng pagpapakalat ng fake news tungkol sa electoral process at sa poll body.

Sa isang panayam sa radyo, tiniyak ni Comelec Commissioner George Garcia na mananagot ang sinumang nasa likod ng mga pekeng balita.

“We will go after them. We will prosecute them,” aniya.

Kasabay nito, sinupalpal ni Garcia ang pekeng balita kung saan nakasaad na may resulta na ng May elections sangkot ang 100% ng mga rehistradong botante.

“Fake news na fake news. Kaya nga lang po syempre, hindi naman po lahat ay makakaunawa kapag nakakita ng ganyan sasabihin pa may nanalo na, luto na ang eleksyon na ‘to,” dagdag niya.

Nakasaad din aniya sa fake news item na may shade na ang mga balota bago pa man ang halalan.

Noong Enero, matatandaang nagbabala ang Comelec sa publiko laban sa mga social media users na nagpapanggap na mga poll commissioner o opisyal ng komisyon.

Hinikayat naman ng Comelec ang publiko na iulat ang mga social media users lalo na sa Facebook na nagpapakilalang opisyal ng Comelec. RMN/ JCM