Comelec: May sapat na panahon para sa printing, delivery ng balota

Comelec: May sapat na panahon para sa printing, delivery ng balota

September 21, 2022 @ 5:48 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines- Sinabi ng Commission on Elections (Comelec) na may sapat pang panahon para sa pag-imprenta at delivery ng balota para sa 2022 Barangay at Sangguniang Kabataan elections (BSKE) sa kabila ng panawagan na ipagpaliban ang halalan.

Ayon kay Comelec spokesperson Atty. Rex Laudiangco, ni-reschedule ng poll body ang ballot printing sa susunod na linggo.

Sinabi ni Laudiangco na ang National Printing Office o NPO ay nag-alok na mag-imprenta ng karagdagang security feature sa balota ng libre o walang bayad.

Ayon pa kay Laudiangco, dapat sana aniya ay magtutuloy-tuloy na ang printing ng balota para sa BSKE ngunit kailangang iurong sa sunod na linggo dahil may pagbabago sa kanilang negosasyon sa NPO.

Aniya, bilin ng NPO na free of charge at walang gagastusin sa gobyerno sa karagdagang security feature o yaong ascending serial number para maging ligtas ang balota.

Maari naman aniyang makapag-imprenta ang NPO ng nasa isang milyong balota kada araw kung saan tatlong printing machines ang kanilang inihanda.

Ayon sa Comelec, sakaling maipagpaliban ang BSKE na itinakda sa Disyembre, magagamit pa rin naman ang naimprentang balota.

Samantala, ang pagsasanay ng electoral boards ayon kay Laudiangco sa gagawin sa Nobyembre upang makatipid ng pondo dahil sa posibilidad ng pagpapaliban ng halalan. Jocelyn Tabangcura-Domenden