Comelec nag-isyu ng certificate of finality sa DQ case vs Rosal

Comelec nag-isyu ng certificate of finality sa DQ case vs Rosal

November 26, 2022 @ 10:13 AM 2 months ago


MANILA, Philippines- Naglabas ang Commission on Elections (Comelec) en banc nitong Biyernes ng certificate of finality at entry of judgement sa disqualification ni Albay Governor Noel Rosal.

“Ang Comelec en Banc ngayong hapon ay nagpadala ng kopya ng Certificate of Finality at Entry of Judgment sa mga partido sa kasong Armogila v. Rosal, na naka-docket bilang SPA No. 22-031(DC),” ayon sa Comelec nitong Biyernes.

Ito ay matapos ibasura ng Comelec en Banc ang motion for reconsideration ni Rosal at kinatigan ang desisyon ng Comelec First Division na i-disqualify ang Albay governor.

Ipinaliwanag ng Comelec na sa ilalim ng Comelec Resolution NO 9523 kaugnay sa Section 13(b), Rule 18 at Section 3, Rule 37 ng 1993 Comelec Rules of Procedures, ang desisyon o resolusyon ng Comelec en banc sa mga special action ay magiging final at executory matapos ang limang araw makaraang matanggap ang nasabing desisyon at resolusyon maliban kung ang Korte Suprema ay maglalabas ng temporary restraining order o preliminary injunction.

“Dahil walang TRO o preliminary injunction na iniutos ang Korte Suprema sa loob ng naturang limang araw, ang Comelec en Banc Resolution na may petsang 18 Nobyembre 2022 ay naging pinal at executory batay sa mga nabanggit na rules,” sabi ng Comelec.

Sinabi naman ni Comelec spokesperson Rex Laudiangco sa isang mensahe sa Viber sa mga mamahayag na agad ilalabas ang isang writ of execution na magpapatalsil kay Rosal sa puwesto.

Gayunpaman, sinabi ng poll body na ang remedyo ng isang ‘petition for review on certiorari’ sa SC ay magagamit pa rin para sa respondent sa loob ng panahong pinapayagan ng mga Panuntunan sa Pamamaraang Sibil.

Sinabi rin ni Laudiangco na ang rule of succession sa ilalim ng Local Government Code ay ipatutupad ng Department of the Interior and Local Government.

Idiskwalipika si Rosal ng Comelec First Division dahil sa paglabag sa Section 261 (v) ng Omnibus Election Code o ang pagbabawal sa paglabas, pag-disbursement, o paggasta ng mga pampublikong pondo.

Ayon sa desisyon, si Rosal na isang incumbent official noong 2022 national at local elections, ay namahagi ng cash assistance sa mga tricycle driver at senior citizen noong Abril 2022.

Inihain ang petisyon ng talunang kandidato sa konseho na si Legazpi City na si Joseph Armogila noong Abril 2022. Jocelyn Tabangcura-Domenden