Comelec naghahanda pa rin sa BSKE 2022

Comelec naghahanda pa rin sa BSKE 2022

September 28, 2022 @ 7:28 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Tuloy ang paghahanda ng Commission on Elections o Comelec para sa 2022 barangay at Sangguniang Kabataang elections alinsunod sa umiiral na batas sa kabila nang pag-apruba ng Mababa at Mataas na Kapulungan ng Kongreso na ipagpaliban ang naturang halalan.

Ayon kay Comelec Chairman George Garcia, ang pagpapatibay ng isang bagong batas upang ilipat ang BSKE sa isang bagong petsa ay magtatagal pa rin ng mahabang panahon mula ngayon.

Aniya, ang naaprubahang bersyon ng panukalang batas na nauukol dito ay kailangang sumailalim sa pagsisiyasat ng bicameral conference committee dahil ang kanilang mga bersyon ay hindi magkapareho.

Nangangahulugan ito na may mga probisyon para sa ating mga mambabatas na sumang-ayon sa pagdating ng isang “enrolled bill” o ang pinal bersyon para lagdaan ng Pangulo bilang batas.

“Mukha pong may isang bersyon sa Senado na wala po sa House of Representatives Nakita ko Po sa Senado, may nakalagay po doon na…’yung lahat ng SK candidates na kwalipikado pa at pwede pang tumakbo ngayong December 2022, kapag na-reset ang Barangay at SK (elections) ay jwalipikado pa dapat makatakbo sa susunod na halalan…Medyo ‘yun pong version na ‘yun wala sa version ng House of Representatives pero nasa Senado. Maaring ‘yan ang makatagal ng kaunti sa pagiging batas ng panukalang batas na ‘yan,” sabi ni Chairman Garcia.

Ang magkaparehong mga panukala ay magpapagaan sa proseso sa pamamagitan ng tinatawag na paper bicam o ang pagpapatibay ng isang bersyon ng alinmang Kapulungan ng Kongreso.

Sa P8.441 bilyong inilaan para sa 2022 BSKE, tanging maliit na bahagi lamang ng badyet ang ginastos para sa paghahanda ng botohan sa kasalukuyan.

“Sa kasalukuyan po, mahigit isang bilyon (piso) pa lamang. Hindi pa kami nagbabayad nung na nabigyan namin ng notice of award. Pero anytime po na magdeliver na sila ng mga kagamitan, kami po ay magbabayad na. Bago matapos ang Oktubre ,magiging maliwanag, baka makagamit na po kami ng dalawa (2) hanggang tatlong (3) bilyong piso. Ang malaking parte po kasi ng ating budget ay patungkol sa pagbabayad po ng honoraria ng ating mga guro na mangyayari pa po later. So, ‘wag pong mangamba ang mga kababayan natin (dahil) hindi naman po malaki po ‘yung nagagamit natin para doon sa preparasyon para sa December 5, 2022”, dagdag pa ni Garcia. Jocelyn Tabangcura-Domenden