Manila, Philippines – Nagpaalala ang Commission on Elections (Comelec) sa mga political parties at coalition ng political parties, hinggil sa nalalapit na deadline para sa pagsusumite ng kanilang petitions for registration, kaugnay ng National and Local Elections (NLE) na idaraos sa Mayo 13, 2019.
Ayon sa Comelec, salig sa inisyung Resolution No. 10395, ng Commission en banc, mayroon na lamang na hanggang ngayong araw, Hulyo 15, 2018, ang mga nais na magparehistro ng political parties.
Gayunman, dahil ang naturang petsa ay natapat sa araw ng Linggo ay bibigyan pa nila ng pagkakataon ang mga political parties para maghain ng kanilang petition for registration ng hanggang 5:00 ng hapon, bukas, Hulyo 16, 2018, Lunes.
Samantala, ang pagpapatala naman para sa coalition ng political parties ay hanggang sa Agosto 31, 2018 pa.
Sa ilalim ng Section 61, Article VIII ng Omnibus Election Code, ang anumang organisadong grupo ng mga tao na nagnanais magpatala bilang national o regional political party, ay dapat na magsumite sa Commission ng verified petition, kasama ang kanilang constitution and by-laws, plataporma o programa ng gobyerno, at iba pang mahahalagang impormasyon na hinihingi ng Commission.
Ang Commission naman umano, matapos ang due notice at hearing, ang siyang reresolba ng petisyon sa loob ng 10-araw mula sa petsa kung kailan ito naisumite.
Nabatid na ang petitions for registration ay maaaring isumite sa Clerk ng Comelec, na may bayad na P10,000. (Macs Borja)