Comelec nagpasalamat sa SC sa pagkakataong makapagsalita sa BSKE postponement

Comelec nagpasalamat sa SC sa pagkakataong makapagsalita sa BSKE postponement

October 23, 2022 @ 9:45 AM 1 month ago


MANILA, Philippines- Nagpasalamat ang Commission on Elections nitong Sabado sa Korte Suprema sa pagbibigay sa kanila ng pagkakataong magsalita sa paghahanda ng Comelec para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections, gayundin ang pananaw ng poll body sa pagpapaliban ng BSKE.

Sa isang press statement, sinabi ni Comelec spokesperson Atty.  John Rex Laudiangco na nagsalita si Comelec Chairman George Garcia  sa oral arguments noong Biyernes ukol sa petisyon na humahamon sa batas na nagpapaliban sa BSKE.

Pinasalamatan din ni Laudiangco ang SC justices sa pagkilala na ang Comelec ay may kakayahan at may kakayahang maghanda at magsagawa ng BSKE.

Inatasan ng Korte Suprema noong Biyernes ang election lawyer na si Atty.Ronulo Macalintal , ang Comelec at ang Office of the President na magsumite ng kanilang memoranda sa BSKE postponement matapos ang oral arguments.

Naghain si Macalintal ng petisyon na humihimok sa SC na utusan ang Comelec at ang Office of the President na itigil ang pagpapatupad ng Republic Act 11935.

Inilipat ng batas ang BSKE mula Disyembre 2022 hanggang Oktubre 2023.

Inatasan ni Chief Justice Alexander Gesmundo ang Comelec na isama sa memorandum nito ang mga posibleng petsa ng halalan sakaling maglabas ang SC ng temporary restraining order sa pagpapatupad ng batas. Jocelyn Tabangcura-Domenden