Comelec nagsagawa ng voter education seminar

Comelec nagsagawa ng voter education seminar

January 11, 2023 @ 11:59 AM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Inilunsad ng Commission on Elections (Comelec) ang kanilang voter education seminar sa buong bansa para sa 2023 Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) Elections.

Sinabi ng Comelec na nagsimula ito sa isang seminar noong Enero 9 at magpapatuloy hanggang Enero 13.

Ginanap ang unang seminar sa 30 eskuwelahan sa buong bansa na may satellite registration na kasama sa programa.

Nitong Martes, Enero 10 ang Comelec ay nagsagawa ng seminar para sa 3,787 senior high school students sa mga lalawigan ng Isabela, Cagayan, Negros Oriental, Tarlac, Bohol, Lanao del Norte, Davao, Zamboanga, at Capiz.

Ang satellite registration nito sa nasabing seminar ay nakakuha din ng 741 regular applicants at 573 SK applicants, para sa kabuuang 1,314 registrants, sa ikalawang araw ng education drive.

Tinalakay sa seminar ang kahalagahan ng pagiging botante, ang step-by-step na proseso ng voter registration, ang kuwalipikado at tungkulin ng mga halal na opisyal sa Barangay at SK, at ang paglaban sa disinformation sa halalan, bukod sa iba pa.

Sinabi ng Comelec na ang pagpupursige ay bahagi ng kanilang pangako na maabot kahit ang pinakamalayong isla na munisipyo alinsunod sa mandato nito na ipaalam at makagawa ng isang aktibong Filipino electorate. Jocelyn Tabangcura-Domenden